10/13/2011 01:39:00 PM.
Isang artikulo ko ukol sa isang batas na tila nagiging parte ng mga ugat ng problema sa lipunan ngayon.
Isang madaling araw sa Quezon City, nasaksihan ko na ang mga batang sasampa sa likuran ng isang truck at magnanakaw ng mga bagay roon. Nakunan ng litrato bagamat mabilis ang mga pangyayari (kaya di na rin nilimbag pa).
At nakakabahala na rin ang mga ganitong klaseng sitwasyon kahit wala na ito sa sirkulasyon ng media. Pustahan, marami pa ang mga batang hamog sa mga lugar tulad ng EDSA Guadalupe, mga nanggagahasa't pumapatay, at nagnanakaw sa bandang Pasay, Kalookan at ibang lugar sa Kamaynilaan (ayon na rin sa mga police beat reports). Unang isinulat ng inyong lingkod ito noong nakaraang taon. At teka lang, hindi naman sila nasasakdal e.
RA 9344. Juvenile Justice Welfare Act. Isang batas na minamata ng mga tao sa nakalipas na taon. Sabagay, nakakabahala na ang mga pangyayari ngayon, lalo na pag nanunuod ka ng mga police beat reports sa mga balita.
Ayon sa batas na yan, ang mga taong nagkasala na edad kinse (15) anyos pababa ay hindi makukulong at bagkus ay mapupunta sa kustodiya ng DSWD o ang Department of Social Welfare and Development. Sa madaling sabi, hindi sila criminally liable.
Pero dahil sa kakulangan ng budget na nilalaan dito, parang napapauwi lang ata ang mga batang ito, at mula roon nakakagawa sila ulit ng krimen.
At masklap pa dyan? Mas marahas at karumal-dumal na krimen pa ang nagaganap. Mula pagpatay, panggahasa, pagnanakaw at kahit ultimong pagtutulak ng droga.
Ang dami ng buhay ang nawawala at nagiging isang malaking palaisipan ang batas na ito dahil sa sinasamantala ito ng mga sindikato, at kahit ang mga pulis na humuhuli sa mga ito ay walang magagawa dahil sa kailangang palayain din ang taong ito at ang nagagawa lang ng DSWD ay ang pangaralan lang ang mga batang criminal. Kaya ang lumalabas dito ay pabor na pabor sa mga batang ito ang gumawa ng krimen sa lipunan hangga’t una, laya nila at pangalawa, wala pa sila sa legal na edad.
Naging mainit na debate ito. Dahil maraming nagsasabi na dapat repasuhin na ang nasabing batas. Pero merong ding diumano nagsasabi na mali daw ang pagpapatupad nito at hindi pa dapat isa-ayos muli. Ayos sa ilang ahensya ng gobyerno, dapat may nilaang pondo dito. Hmm… meron naman yan siguro, pero alam naman nating lahat ang historya ng korapsyon sa lipunan.
Ito lang isang-alang-alang natin, imposible sa mga edad ng onse pataas (o kahit mas bata pa sa nabanggit ko) na maalam sa kung ano ang tama sa mali.
Kung tutuusin, tila pabor pa nga ata ito sa kanila dahil ang matibay na alintuntunin sa ganyang kaso ay ilalagay sila sa isang espesyal na kulungan na hindi kasama ang mga nakakatandang criminal (o “hardened criminals”) pag-aaralin, at iba pang benepisyo upang sa pagkumpleto ng sintensya nito ay isa siyang maging ganap na produktibong mamamayan.
Pero ito ba ay nasusunod? Hindi. Bakit? Dahil sa tinatawag nilang “budget.” Mahirap nga naman magpatakbo ng bansa, samahan mo pa ng mga kawatan sa kalye at sa opisina na tila walang katapusan sa mga kalokohan nila sa kapwa.
Ngunit hindi mo rin siguro maisasantabi na ang mga batang 'to ay baka rin hawak sa leeg ng mga sindikato.
Ngayon, opinyon ko po? Dapat nga siguro repasuhin ang batas na ito. Kung ako nga lang ang may imumungkahi, dapat:
- Magkaroon talaga yan ng sapat na pondo para sa nasabing batas. (Kaso.... pasaway ang mga andun e. Yun lang)
- Magkaroon ng isang gusali na magiging haligi sa pagsasaayos sa mga batang ito.
- At ito nga lang mahirap dyan, ang panagutin din ang mga magulang o sinumang responsable sa pangangalaga sa kanya.
Bakit kanyo?
Dahil ang mga magulang ay humuhubog sa anak. Posibleng ang kapaligirang kinalakihan nya o ang istilo ng disiplina sa bata ang may pagkakamali.
Ngunit kung ano ang puno, siya ang bunga, sabi nga nila. Ibig sabihin? Ang mga ginagawa natin sa ating mga nakakatanda, kahit balang araw ay magiging iba na naman ang takbo ng mga susunod na henerasyon, yan din ang gagawin sa atin ng mga taong nakakabata sa atin.
Palibhasa, mahirap din kasi ang malagay sa ganyang sitwasyon. Kung magulang ka at nagnakaw ang anak mo sa isa sa mga kalye sa Quiapo, at nahuli doon, mahirap kalabanin kung ano ang tama sa mata ng batas. Kahit labag sa kalooban mo, hindi mo pa rin maiiwasan ang katotohanan na “ayaw makita ng magulang ang kanyang anak na nasasaktan o napapahamak.”
Pero, ika nga ng isang episode ng Word of the Lourd, ano naman kaya ang pakiramdam kung ikaw yung nabiktima? Ano yan? Ipapamukha sa iyo na “tatanga-tanga ka kasi dahil alam mo na takaw-krimen ang lugar na dinaanan mo eh ilalabas mo pa yang dala-dala mo na alahas, cellphone, gadget o anuman pa.”
Sa madaling salita, ikaw din pala ang gumagawa ng ikakapahamak mo.
Kung tutuusin, hindi rin tamang dahilan yan e. Eh pano kung emergency call pala yan? At kelangan mong sagutin habang nagmamadali ka sa paglalakad mo?
Ano ‘to? Lokohan?
Nahuli nga siya, nabawi ang gamit. Gusto mo magsampa ng reklamo para magtanda sa panloloko, pero hindi mo magawa dahil sa edad nya? Parang tinuturuan naman natin na, “Sige boy, gumawa ka lang ng kalokohan dyan, hindi ka mananagot sa batas.” At tila ang ganitong galaw sa ating sistema ay nagpapatunay kung gaano kabulok ito at ang mga taong nagpapatupad nito. Saklap ba?
Author: slickmaster | © 2011, 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!