Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

13 May 2012

Ang Ugat ng Mga Tunog na Kabaduyan

01:45 PM | 05/05/2012

Sa panahon ngayon, madalas mapapansin mo sa radyo ang mga ganitong bagay. Musika na ang genre ay love songs, novelty pop, at kahit papano’y may halong r-n-b at rock, pati na rin ang dance music na ibang-iba sa mga tipikal na trance at house music. Isama mo na dyan ang mga contest sa radyo, sponsored na events, mga practical jokes, at mga DJs na ibang iba na sa mga tipkial na napapakinggan natin noon.

Hindi lang kasi boses ang puhunan ngayon, pero nakabase na ito sa personalidad. At yung boses na yun? Hmmm… binabagayan pa rin naman, pero nasa sa mga sinasabi na rin kasi yan e. At may mga istasyon na kung saan ay maraming mga matitinis ang tinig, at meron din namang yung sakto lang, yung mga malalaki ang boses, at iba pa.


May ibang natutuwa sa kakulitan nila, at meron namang talagang nakakabanas lang. Oo nga naman, yung iba kasi e obvious na hindi tama ang approach, e kinakalat pa sa ere. Yung iba, hindi yata alam ang musikang pinapatugtog nila. Yung ibang jokes, nakakatawa naman. Kaya siguro ito ang dahilan kung bakit ang lakas ng kapit nila sa mga tagapagpakinig. Pero yung iba, gasgas na kasi sa tenga e. Pero sabagay, who cares? As long as pang-good vibes e puwede na. Yun nga lang, Yung iba e parang hindi na talaga nakakatawa.

Teka nga....

Isa ako sa mga tao na labis na humahanga sa panahon noon na astig pa ang mga istasyon ng mga radio dito sa Pilipinas. Yung panahon na astig pa ang mga boses ng mga DJ; yung mga tipong walang masyadong kailangang gimik para pakinggan ng karamihan; at yung panahon na astig pa ang musikang pinapatugtog nun. Siguro nasasabi ko to kasi dominante noon sa FM band ang mga tipikal na istasyon ng radio na may specific na genre na dedicated sa target audience nito. At saka noon, hindi naman ganun kataas ang porsyento ng mga nasa mababang antas na audience (classes CDE ata yun, kung hindi ako nagkakamali).

Simula noong kalagitnaan ng unang dekada, nagsulputan na parang kabute ang mga “masa” type ng istasyon, nagging patok ito sa mayorya dahil karamihan sa mga populasyon sa Kamaynilaan ay nasa kategorya ng masa. Pero mula nung dumami sila ng dumami, unti—unti na rin nabago ang imahe ng FM radio sa Metro Manila.

Bagamat maraming natuwa, karamihan naman din ang nadismaya. Sabagay, sino ba naming rakista ang hindi mababanas nung nalaman nila na mamamaalam na sa ere ang NU 107 noong hatinggabi ng Nobyembre 7, 2010? At sino ba naming kabataan na inlab sa pop music ang hindi nabadtrip noong nagba-bye ang Campus Radio 97.1 WLS FM? Aminado ang inyong lingkod, kahit hindi ako madlas making sa mga istasyon na ito, pero nalungkot din dahil kahit papano itong mga nasa dial ng radyo ko ang kinalakihan ko.

Noong naging Barangay LS ang Campus Radio, ang pinakamatinong alternatibo na lang ng mga yuppies nun ay either RX 93.1, Magic 89.9 at iba pang mga Contemporary Hit Radio (CHR) type na istasyon. At para sa NU 107 na nagging Win Radio sa mga sumunod na araw? Aaaaah! Mukhang sa mga tulad ng Soundcloud, YouTube, Vimeo at iba pang mga websites na lang sila makakapakinig ng rock music. Pero paano kung talagang radio lang ang accessible sa iyo at wala kang ka-alam-alam sa mundo ng internet? Sa panahon na modern na ang mga bagay, hindi lahat ng tao ay lubos namakakaunawa sa mga ganyang klaseng bagay na yan (o kung maunawaan yan, hindi kaagad tulad ng iba).

Alam ko na minsan dumaan sa panahon ay naghihingalo din ang industriya ng radyo dito sa Kamaynilaan, kaya siguro ito lang ang naisipan nilang paraan dahil sa demographics ng populasyon sa nasabing lugar. Sa madaling salita, business. Oo, negosyo nga. Isipin mo kung hindi business to, e may mapapakinggan pa kayo? Hindi naman pwedeng magpapaluwas lang sila ng pera at wala silang makukuha bilang kita, revenue at iba pang mga termino yan sa pinansyal na aspeto, no?

Ayon sa isang tropa ko na nakakasalamuha minsan sa mga ganitong bagay, "There's no money on a niche market. Kailangan nilang mag-reach out sa lahat ng demographics para lang pumatok." Sabagay, kaya nga naman bumagsak ang NU pati ang iba pang mga istasyon ng radyo kasi wala nang mag-aadvertise sa kanila. Ang hirap kaya nyan, kailangan talagang maiplease ng mga account executives at iba pang mga salesperson ang mga potensyal na kliyente nito para lang kumita ang kumpanya. Kaya 'wag mong sisihin kung bakit ang mga masa station e nagsulputan na lang bigla. Naghahanap-buhay lang din ang mga DJ, at mga off-air personnel nila. Dahil posible rin na ito ang dahilan. Mas madalas pa nga ata e.

Kaya kung sobnrang naaalibadbaran ka na sa tunog ng FM radio na saksakan na ng mga gimik, korning joke, nakakabobong musika, makulay na personalidad pero boses lata naman na mga DJ, at iba pa, e teka lang. Maraming alternatibo sa panahong ito. May internet naman para making ka ng musika, may matinong tao pa naman sa mundo na maganda ang boses. At kung hindi mo talaga trip ang pinagagagawa nila, pwede ka namang making sa ibang channel. Kaya nga may 24 na istasyon ng FM radyo sa kalakhang Maynila e.

O mas pwede pa, patayin mo na lang yan. Wag mo silang sisihin kung nababaduyan ka sa kanila! Solve pa problema mo kung tahimik ang nasa paligid mo. 'di ba?

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!