Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

07 May 2012

Disiplina vs. Demokrasya

05/07/2012 12:32 PM



Minsan naisip ko ito: "Ang kalaban ng DISIPLINA ay ang DEMOKRASYA." 

Bakit? Ewan ko. Napakakumplikadong suliranin lang naman. Dulot ng magulong sistema, at sobrang layang mga mamamayanan. Hindi matantsya kung saan sasakto sana ang lahat para tumino naman tayo.

Mahirap husgahan ang mga pangyayari sa lipunang ito ngayon. Mayroon dyan nagrereklamo kung bakit hindi maipatupad ang isang batas ng maayos at sa kabilang banda may umaalma din kung bakit ay napakahigpit naman nito.

Parang pag may pagkakataon, nagrereklamo ang isang pamayanan dahil sa gumagala-gala sa kanto sa dis oras ng gabi. Ni hindi man lang daw maipatupad ito ng maayos ng mga taga-barangay. Pero kapag naghigpit sa pagsasabatas nito, umaalingawngaw pa rin ang reklamo ng mgakakapitbahay. HAY NAKU, ANO BA TALAGA, ATE'T KUYA?

Kapag nahuli ang isa nagje-jaywalking sa EDSA, mababadtrip pa ang loko. Arogante pa, kulang pa e manigaw at mang-amba ng baril sa taong humuli sa kanya.

Minsan nga e, nakaengkwentro ako ng isang pasaway na pasahero sa dyip. Naninigarilyo pa rin kahit nasa harap nya mismo ay nakalagay an NO SMOKING sign. Pag sinita mo, siya pa malakas magalit. Buti na lang, napansin ni mamang tsuper yun. Ayun, pahiya ang mokong. Marami pang ibang nangyayari dyan.

Sa isang banda, maririnig mo ang mga tsuper na minumura ang mga tila balasubas na kabaro niya na biglang sumulpot sa lane niya. Sa isang pader, tambak ang basura kahit may nakasulat dito na “BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO” (Minsan pa nga e, may nakasulat pa dyan na “P.D. 825”) at iba pang mga scenario tulad ng isang motorista na minumura ang isang traffic enforcer ng MMDA dahil sa bagal ng daloy ng trapiko sa isang intersection, tawid ng tawid sa Commonwealth kahit alam nila na ito’y killer highway (yung iba pa nga dyan, alam na nga na ganun e tatawid pa rin kahit may nakaharang na railing sa center island). At yung iba, alam nyo na siguro. Mga kapalpakan ng nasa kinauukulan. Mga tipong kotong dito, lagay doon at kung anu-ano pang uri ng korapsyon.

Hindi lang sa isang panig lang ang may kamalian dito. Aminin natin.

May karapatan tayong magreklamo sa ating pamahalaan kung anuman ang ating nakikitang mali lalo na kung gumagawa ka ng tama sa paligid mo, nagbabayad ka ng karampatang buwis, at binoto mo ang taong sa tingin mo e karapat-dapat sa posisyon na yan.

Pero sa kabilang banda kasi, ang tanong e nagampanan ba natin ang ating tungkulin bilang mga mamamayan? E kung tayo lang naman ay pasaway din sa mata ng batas? Yung tipong hindi man lang makapagtapon ng basura sa tamang lugar, hindi tumatawid sa tamang lugar, mga walang pakialam sa mga pangyayari sa lipunan (oo nga naman, bakit nga ba natin poproblemahin ang mga yan?) e sorry na lang tayo, maga kapamilya/kapuso/kapatid/kabarkada/kasambahay (at iba pang mga katawagan).

Kahit sabihin pa ng isang Lourd de Veyra (teka, “sino nga pala yan?”) na “Bago tayo sumuway, dapat matuto muna tayong sumunod,” e nasa atin na rin kasi ang problema e. Kung gusto nating tumino ang ating lipunan e wag tayong magrereklamo ng magreklamo, sa gobyerno man yan o sa kapitbahay lang. Gawin din natin ang tama at nararapat. Kung alam mo na nga na bawal umihi dyan, e di bawal! Wag mong gawin!

Ganun kasimple, di ba? DISIPLINA. At kahit mamamayan tayo ng isang malayang bansa e hindi ibig sabihin nun na wala na tayong pake. Alalahanin mo, wala tayong tinatawag na “absolute freedom.” May responsibilidad tayo bilang mga tao.

Iniisip ko tuloy, parang tama rin pala ang ginawa ni Macoy nun (ayon kasi sa ibang libro ukol sa kasaysayan e may panahon na bumaba ang mga kaso ng karahasan nung Martial Law) pero mas aagree ako sa nagsabi ng “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Seryoso. Yan ang pinakakailangan ng bawat tao kung tutuusin. Wala sa mga karatulang nagbabawal na dumumi (o sa salitang kalye, tumae) o kung ano pang mga plakard, o kahit sa pagbabasa ng mga tulad nito ang solusyon.

(This article was published at the community blog site Definitely Filipino dated May 27, 2012 titled "Disiplina At Demokrasya.")

Author: SlickMaster | © 2012 september twenty-eight productions.

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!