06/10/2012 1:34 PM
Dear “haps,”
Kumusta ka na? Sana nasa maayos ka na kalagayan. Alam ko na
abalang-abala ka pag-aaral mo, at hindi mo prayoridad ang mga bagay na ukol sa
pag-ibig. Ayos lang, makakapasa ka sa board exam mo. Naniniwala ako na
kakayanin mo ang lahat-lahat ng pinagdadaanan mo, at hihintayin ko ang panahon
na iyun.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko nasulat ito. Kakaiba
lang, kasi hindi naman ako sumusulat ng mga istoryang may kinalaman sa
pag-ibig. Ni literal ang pangit ng sulat-kamay ko nung nilalapat ito sa papel.
At walang arte-arte di tulad ng ibang naka-stationary set, ito?Nasa gusgusing
yellow paper at antigong Word document.
Nagkamalas-malas ang halos lahat sa akin nun. Mag-iisang
taon mula nung nagtapos ako ng pag-aaral pero hanggang nung panahon na yun e
wala pa rin akong trabaho. Nababalisa din ako kasi nag-iisa akong namumuhay sa
probinsya nun. Hanggang sa minsan napauwi ako ng Maynila, tinawagan para sa
isang interview, at inaantay ang panahon na uuwi ako ng Bulacan matapos nun.
Akalain mo, sa lahat-lahat ng possibleng lugar na makilala
kita, sa Facebook pa. Ni hindi nga tayo nagpapansinan noon? (Sino nga ba ako,
di ba, kundi isa lang sa mga online tropa ng dating boyfriend mo?) Hindi ko
alam kung anong nakain ko at bigla akong tinamaan sa iyo, nung nagsimula tayo sa
wall-to-wall na usapan isang Sabado ng umaga, Marso a-31 nun, ilang araw mula
ng pagkagradwyet mo sa pag-aaral nun. Hanggang sa mga sumunod na araw at gabi,
nauwi sa pagtetext, hanggang sa madamagang tawagan. Kulang na lang talaga, ang
magkita ng tuluyan.
Hindi ko nga inaasahan na may magkakagusto at mahuhulog pala
sa akin e, magmula nung minsan sinendan mo ko ng mensahe sa Facebook na tila
kakaiba para sa isang na babae na magpahiwatig ng ganung nararamdaman (sabagay,
kahit naman ako e hindi rin naniniwala sa online romantic relationship nun e).
Nung una, hindi ko mawari yan, pasikot-sikot kasing yan. Hanggang sa dumating
ang mga sumunod na araw at pag-uusap nating dalawa.
Aminado ako, ganun din ang nararamdaman ko sa iyo bagamat
napapangunahan ako ng takot. Hindi na ako natahimik, pero mula nun, nakakangiti
ulit ako ng tulad ng dati. Tulad nga ng pangalan mo, ikaw ang kasiyahan. Kung banatan ang usapan, parang Coke, ikaw
ang “happiness” ko.
Akalain mo oh, hindi ka nga nagkamali sa pag-assume mo, kasi
aminado ako na nag-assume din ako.
Ang tagal kong inaantay ito bagamat hindi ko pinagtutuunan
ng pansin ang buhay pag-ibig noon. Siguro dala nung mabasted ako limang taon na
ang nakakalipas at nagiging busy na rin ako sa mga makamundong bagay mula noon.
At kung may naramdaman nga sa iba, nawala rin ito bigla. Kaya ayun, mula
pagkapanganak, namuhay na salat sa pag-ibig na inaasam.
Ikaw lang ang nagpatunay sa akin na mali ako. Hindi pala ako
anti-romantic na tao. Siguro sadyang malalim lang talaga ang madalas nilalaman
ng utak ko, at dun mo yata ako nakilala at hinangaan. May taong magmamahal pala
sa akin na tulad ng ganito. Ang pagkakalaam ko lang kasi e mga kaibigan,
kapamilya at kamag-anak lang ang magpaparamdam sa akin ng pagmamahal. Akala ko
wala…. Hanggang sa dumating ka. At wala kang kasalanan dun ha? Wag mong sisihin
sarili mo.
Marami sana akong gustong ipahiwatig sa iyo, maliban pa sa
mga banatan at kwentuhan natin sa telepono at pagmention ko palagi sayo sa kada
pagtitweet ko ng mga ganyang kataga sa Twitter. Ni hindi ko alintana ang
distansya ng ating mga lugar na kinatitirikan at mga bagay sa ating dalawa, o
ang mga bagay-bagay na nakakapagpa-busy sa ating dalawa.
Iniintindi at pinipilit kong intindihin ang lahat sa ating
dalawa. At kung may nangyari na hindi tayo magkaunawaan, inaako ko yun. At lubos na humihingi ako ng kapatawaran kung
nasaktan kita at napaluha kita dahil dun. Aminado ako, kahit slick master pa
ang tawag sa akin ng karamihan pati ng ikaw, may kahinaan ako. Tao lang,
nagkakamali. Nauubos din ang pag-unawa bagamat hinihiling ko lang na sana
parang unlimited rice na lang yan. Natatakot lang ako na mawala ka at
mapagsisihan ko pag dumating ang panahon na nanala ako ng mga tao at isaka sa
mga maglalaho. Gusto kong panindigan ang mga binitiwan ko na salitang iyun sa
iyo kahit hindi ko siya itinuturing na sumpa o swero.
Tama ka, dapat matuto pa akong magtiwala sa sarili at sa iyo,
bagamat hihingin ko ang tulong mo. Wagas lang siguro ako kung makapag-alala.
Umaasa ako na isang araw, makatagpo din kita at mapatunyan
sa iyo ang lahat-lahat sa akin. Maghihintay ako kahit gaano pa katagal iyun. Hindi
man ako katulad ng mga tipikal na tao kung magmahal, at hindi rin ako pala-pangakong
tao. Pero isang bagay lang isinisiguro ko – IKAW LANG ANG MAMAHALIN KO.
Ipagtatanggol sa mga umaapi sa yo’t pinagmumukha kang masama. OO, hindi nga ako
nurse tulad mo, pero ikaw ang gusto kong alagaan. Hindi man ako guro sa eskwelahan,
pero tama ka rin, na siguro marami akong bagay na maituturo sa iyo na hindi ko
namamalayan. Hindi ka nga magulang ko, pero ikaw ang gusto ko matawag na nanay
ko balang araw. Marami pang mga mangyayari, pero pinapanalangin ko na sana,
andito ka pa rin.
Pero kung hindi man mangyari ang mga ito, kahit masakit man
sa kalooban ko, tatanggapin ko pa rin, at magpapasalamat. Nang dahil sa iyo,
natuto ulit ako magmahal. Nang dahil sa iyo parang nabuhay muli ang aking diwa.
Tawagin na akong baliw ng ibang tao o kahit ikaw mismo, pero
nagpapakatotoo lang po ako bilang ako na may tunay na nararamdaman sa iyo.
Tatandaan mo to, MAHAL NA MAHAL KITA. Mag-iingat ka po palagi.
Nagmamahal sa iyo,
p.s. tawagin mo na lang akong “slickmaster”
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!