07/11/2012 | 11:14 AM
Oo, idol pa rin siya. Sa halos lahat yata ng mga kasabayan niya sa nakalipas na halos 67 taong pamamayagpag sa entablado, pinilakang tabig, at telebisyon, siya na lang ata ang isa sa mga tila endangered species ng Philippine entertainment, maliban pa kay Manong Eddie Garcia na nasa 80 na rin ang edad. Ilang pelikula ang ginawa niya mula 1946? 243 ayon sa aking kaibigan na si mommyjoyce. Aba, mas mahaba pa sa listahan ng utang ko sa tindahan para isa-isahin ang mga yan. Ilang serye ng mga palabas na kasama ang iba’t ibang mga kapwa artista tulad ni Panchito, Pancho Magalona, Babalu, Nida Blanca, Nova Villa at iba pa? Pustahan, kulang pa ang isang buwan para i-playback ang lahat ng mga ‘to sa mga koleksyon ng VCD o kung meron man, streaming sa YouTube. Iba’t ibang mga role ang ginampanan niya bilang actor sa TV, radio (tama, minsan niya pinasok ang larangan na maging dubber) at pelikula, be it straight or gay.
Aminado ako na konti na lang sa mga mala-alamat na gawa ni Mang Dolphy ang naabutan ko na umeere. Hindi kumpleto ang Huwebes ng gabi naming nung kapag hindi naming napapanood ang isa sa 2 palabas na inaabangan namin sa ABS-CBN: ang Home Along Da Riles. Oo, si Kevin Kosme, kasama sila Mang Tomas, Aling Ason, Richy, Elvis, Baldo, at iba pang mga tao dun sa riles.
Sa malamang, 1 lang ang Home Along Da Riles sa 2 pinakatanyag na programang pang-komedya sa telebisyon na pinagbidahan niya sa loob ng 24 na taon mula noong 1979 hanggang 2003. At yung isa pa na longest-running sitcom? Siyempre, ang John & Marsha, bagamat di ko naabutan to. Pero hindi ka laking 80s kung minsan hindi mo nasulyapan to sa RPN.
Sa pelikulang aspeto ang naabutan ko na lang ay Tataynik, Home Along The Riber, Dobol Trobol, Nobody Nobody But Juan at Wanted Perfect Father. Alam ko noong dekada ’90 marami pa dyan ang nagawa niya kasama na ang movie version ng kanyang sikat na palabas sa dos, pero dahil napakabihira lang ang pagkakataon na makapunta ako ng sinehan o magka-cable para mapanood ito sa mga tulad ng Cinema One, hindi ko nasulyapan ang iba.
Ang Tataynik, naabutan ko pa sa sinehan, nung nasa ground floor pa ang cinema 2 sa Ali Mall. Kasama niya dito ang isa rin sa mga iniidolo at minsan ay ginagaya kong komedyante na si Babalu.
Ang Nobody, Nobody but Juan na may cameo appearance pa ng Wowowee host na si Willie Revillame, napanood ko din. Yun nga lang, ito na rin ang era na tila tumutumal na siya sa big screen, at isama mo na dyan ang Father Jejemon pero wag ka Best Actor yan, at isama mo na ang isa pa niyang pelikula noong kaparehong taon na Rosario ang nakapagpabigay naman sa kanya ng Best Supporting Actor. 2 major acting awards, hinakot niya. Saan ka pa?
Yung Home Along the Riber, sa TV ko na lang naabutan e. Yung Dobol Trobol, sa DVD ng kapitbahay ko. Pero ang mas gusto ko sa lahat ng napagtripan ko, Wanted: Perfect Father. Sa cable ko na naabutan yan. Yung Father and Son nila ni Vandolph? Hindi ko napanood ng buo yun e. Pero bet na bet ko ang kanyang Banayd Whiskey scene. Minsan ko siya sinariwa at parang baliw lang ako na natatawa habang naka-headphones sa computer shop na pinanonoodan ko nito.
Yung Quizon Avenue din pala, Sabado ng gabi sa Channel 2 yun kung hindi ako nagkakamali kasama ang kanyang mga anak.
Sa malamang, minsan sa ibang panahon, magbabalik-tanaw pa ako sa mga B&W pictures ng Sampaguita, RVQ at iba pang mga gawa niya pati na rin sa ibang mga tao, bagay na ginagawa ko naman talaga minsan kahit sa mga gawa pa ni Redford White, Babalu, Porkchop Duo at iba pa. Habang sinusulat ko nga ito, pinapakinggan ko ang mga spiel at dialogue ng isang antigong John N Marsha episode. Wala lang. Ayos din pala. Asan na kaya ang mga ganitong klaseng palabas ngayon, na dapat sana e nagpapakain sa isipan ng bawat manunood nito? Iba ang uupo sa trono niya sa mga susunod na taon, pero isang bagay lang ang sigurado. Hindi kayang tapatan ng sinuman ang kalupitan niya sa pagpapatawa’t pag-aarte sa nakalipas na halos 7 dekada. Rest in Peace, Idol ka parin, Pidol.
Pero, isang bagay pa rin ang nasa isip ko: ‘Di ba dapat nagawaran na ang mamang ito ng National Artist? Hmmm…. Matalakay nga yan minsan.
Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!