08/07/2012 01:22 AM
Ika-unang tika ng oras sa madaling-araw. Ang dating panahon na tulog ang aking isipan at kamalayan ay nagising bigla nang dahil sa hindi malamang kadahilanan.
Kung gising man ako ng ganung oras, hindi naman ito singtulad ng mga nararanasan ko na madalas. Nasasaktuhan ko lang nun ang programa ni Papa jack na Wild Confessions. Pagpatugtog lang ng intro ni Papa Jack at stinger ng Wild Confessions, sa nakakatakang pagkakataon lang, tila nagging alarm ring tone ko. Aba, ayos ah, kahit bata pa ko para unawaan ang mga ganyan. Pero wala na lang basagan ng trip, pwede?
Ala-una ng madaling-araw… nagigising lang ako nun dahil maliban sa WC, e ginigising ako ni ate para ihatid siya sa kanyang A-shift work sa Terminal 3.
Ala-una ng madaling araw… binabaybay ko ang C-5 at EDSA at ang sarap bumiyahe, makikita mo ang mga bus na nag-aala drag racing. Kaya ang daming balasubas sa kalsada e.
Ala-una ng madaling-araw… na-aalimpungatan lang ako para kumain at making ng radyo, as usual.
Ala-una ng madaling-araw… tumatambay sa malapit na burger stand para umorder ng pagkain.
Ala-una ng madaling-araw… pagkatapos ng gawain sa mga proyekto sa eskwela, nasa biyahe na ko o naglalakad papuntang bahay na. Kaya ito ang dahilan kung bakit mahal ko ang pagna-night trip.
Ala-una ng madaling-araw… nasa gimikan at nakikipaglandian kahit naiilang sa mga mga kasama. Kaya lesson learn para sa akin? Wag magbar-hopping na may kasama na tropang babae kung makikipaglandian ka sa mga makikilala mong mga babae.
Ala-una ng madaling-araw… inuutusan ako ng utol ko na umorder ng sisig at kumain kasama siya. At habang nanunood ako ng TV nun.
Pero, ang daming nagbago noong nakilala kita.
Ala-una ng madaling-araw… mas madalas pa kong mabusog nun sa pagkain, pero noong napaibig mo ako, nabusog ako palagi sa mga salita at lambing mo.
Ala-una ng madaling-araw… daig pa ang mga magpusang nagliligawan. Sa hindi malamang kadahilanan, bakit nung oras lang nun ako madalas kung bumanat.
Ala-una ng madaling-araw… damang-daman ko ang pag-ibig na alay mo kahit na telepono lang ang nag-uugnayan sa ating dalawa. Kung na lang, halikan kita diyan at yakapin. Pero… easy lang din. Baka may mangyari.
Ala-una ng madaling-araw… sobrang sweet nating dalawa, nakalimutan natin na boses lang ang magkalapit talaga, hindi naman tayo nagkasama sa iisang kama.
Ala-una ng madaling-araw… matapos ang pagtatalo, umaasa pa rin ako na maging magkaka-ayos tayo. Pero, tulog na ang mundo mo.
Ala-una ng madaling-araw… matapos ang pagtatalo, hindi na ako makatulog. Nasanay yata ang katawang-lupa’t isipan ko nang dahil sa iyo.
Ala-una ng madaling-araw… hindi nga naging tayo, pero mas masaklap lang kasi tila hindi na magiging tayo. Nanlalamig na ang pakiramdam pero pinagpapawisan ng batok. Tumitindi ang pintig ng puso kahit antok na nga ang katawan, pero ayaw pa rin matulog ng aking utak at ng dalawang mga mata.
Ala-una ng madaling-araw… nakatutok na lang sa harap ng laptop. Nag-aalala… namamahay pa. saklap lang ba?
Ala-una ng madaling-araw… kay sarap bumiyahe sana sa C-5 at EDSA, kaya lang mas masarap kapag kasama ka sana.
Ala-una ng madaling-araw… sobrang tahimik na. pati ang radyong binabantayan, inaaliwan, at tinatambayan… ang boring na.
Ngayon, dilat pa ang aking mga mata’t kamalayan habang nanunood ng basketball, kumakain ng noodles, at umiinom pa ng kape, kabado sa mga mga ulang nangyayari. Habang isinusulat ko ito… naalala kita. Ay, oo nga pala. Ala-una na naman.
Wala lang. Namimiss kita… lalo na sa ganitong oras.
Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!