Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

17 September 2012

Load

09/15/2012 | 7:07 PM

Ako po si Jun, 21 anyos, single since birth bagama't hindi naman ako maituturing na isang ganap na desperadong romantiko. 

May nakilala ako sa internet. Siya si Glenda, 19 anyos, kakagraduate lang mula sa isang pamantasan sa kursong nursing. Pero hindi sa istorya ng pag-iibigan iikot at kuwentong ito. Saan ba? E di magbasa ka ng malaman mo.


Noong panahon kasi na pinopormahan ko ang ale, e sa Facebook at telepono lamang ang pamamaraan na possible dahil sa estado ng pamumuhay ko noon. Mag-isa lang ako namumuhay sa probinsya noon at siya naman ay nasa banding norte ng Kamynilaan.

Isang nakakapagtatakang insidente lang ang naganap sa akin noong nagdaang Sabado de Gloria. May nagpaload sa numero ko na angg halaga ay isang daang piso. Pero imbes na magtaka talaga ay nagpasalamat na lang ako sa kung sinuman iyun.

Lunes ng pagkabuhay, ito na naman. 50 pesos. Parang, aba, teka muna. Seryoso ba to? Nagtanong na ako sa mga katropa at kamag-anak ko, at ang sagot nila… HINDI PO AKO/KAMI IYUN.     Aba, itong mga to? Hindi sila. Ayaw kong manghinala na may nagsisinungaling. Pero pinalampas ko na lang din.

Pangatlong pagkakataon, napag-isip-isipan ko na kumprontahin na ang sitwasyong ito. Hindi na yata biro ang paloadan ka ng 100 piso ulit na hindi mo nalalaman kung kanino nanggaling yun. Malay mo baka modus pala ng sinumang gago yan.

Tinext ko ang retailer tutal andun naman ang numero niya sa mga text messages na iyun.
At nagtanong…

“Hello. Maraming salamat p sa load. Pero maari po ba magtanong kung sino po nagpaload sa numero ko po na ito?”

Sagot niya, “Walang anuman. Pero may babae na pumunta dito. Parang bata ang itsura,. Salamat sa concern.”

Reply ko, “Ah. Taga-saan po ba?”

“Bakit ang dami mong tinatanong?”

“Naninigurado lang po ako. Sige, salamat po.”

Hindi ko na nagawang ibalik ang load niya dahil sa malamang, binayaran din naman ng sinuman iyun para sa akin. At bagamat ganun, nagpasalamat pa rin ako. Dahil kung hindi sa load na iyun, baka hindi kami nagkapalagayan ng loob ni Glenda. Nagkamabutihan, nagtangka na makipagkita pero nagkaroon gn mga aberya, hanggang sa nagkaroon nga isang matinding hidwaan, nagkawalaan na.

Hanggang sa tuluyan na hindi nakausap kahit na gamitin pa ang load sa mobile internet. Hindi na rin siya sumagot sa tawag ko nun na dati ay literal na telebabad mula alas-otso ng gabi hanggang alas-kwatro ng umaga.

Ilang buwan na ang lumipas… napadayo ako sa lugar ng aking mga kamag-anak ko na by coincidence ay malapit pala sila sa lugar na kinatitirikan nila Glenda. Akalain mo oh. Napapunta ako as isang tindahan para magpaload sa pagkakataong ito.

“Ate, paload po.”

“Magkano?”

“50 piso po.”

“Pakitype lang po ang numero mo, iho.”

Sabay tinype ko: 09273690069

Makalipas ang ilang minuto, noong nareceive ko na yung load. Nagsalita ang tindera sa akin. “Iho, ikaw pala yung taong pinapaloadan ni Glenda?”

“Ano po?” sabay tingin ko sa inbox ko at pinagmatch ko ang mga mensahe na ang petsa pa ng mga pangyayaring iyun ay Abril 7, 2012.

Sabay nagtanong ulit. “Ate, kayo po ba yung may-ari ng numerong ito?” at ipinakita ko sa kanya ang nakalagay na 09050103070 dun.

“Ay, ito nga po iyun.” Ang nasagot niya.

Sabay bigla akong kinilabutan sa mga nangyari. At sinabi pa ng tindera, “Iho, yan si Glenda.” Pinatingin niya ko sa isang dalagang palabas pa lang ng gate ng bahay nila na katapat lang pala ng tindahan na kinatatayuan ko.

Unang paglingon niya sa tindahan ay nakatitig siya sa isang tao… sa akin.

“Glenda?” ang tanging nasambit ko.

“Jun?” naman ang nabitawan mula sa bibig niya.

Nagkatinginan kami, mata sa mata. Hindi maipinta ang mukha kung paano magrereact. Para kaming mga statwa sa loob ng ilang segundo, mga rebulto na ang distansya mula sa isa’t isa ay tawiran ng isang kalye lamang.

Nagkatinginan pa rin kami, mata sa mata…. At diyan po nagtatapos ang kwentong ito.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions.

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!