Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

09 October 2012

Ang lente, at silang mga saksi na hindi makaimik.

Ako nga pala si Lorraine, mas kilala sa pangalang Len. Matanda na ‘ko, ‘wag niyo na nga lang tatanungin kung ano ang edad ko. Basta, sa haba ng panahon na nabuhay ako, ilang mga pangyayari na sa buhay ng sinuman ang aking nasaksihan; mga kaganapan na naidokumento ng aking sarili at nag-iisang mata. Mga tunog na narinig gamit ang aking tainga, nai-tala ang mga ito gamit ng aking utak, at naisahimpapawid at ikinalat gamit ang aking bibig.

Sa hinaba-haba ng panahon na naging aktibo ako sa pagdodokumento ng mga bagay-bagay sa ating lipunan at kahit sa buhay ng master kong si Marie, marami na akong napatunayan sa buhay. Marami na akong nakita na hindi mahagip ng mata ng bawat isa sa atin. Mga hindi mailahad kahit sa pahayagan, kahit mapangahas pa sa mata ng kritiko ang manunulat. Mga natatagong lihim at naibaon na sa madilim na lugar na tinatawag na “limot.” Mga bagay na nagpapatotoo pa sa isipan ng ilang mga tsismoso’t tsismosa. Hindi sila naitatapon sa basura nang hindi man lang nasasaksihan ni Marie at nang sinumang malapit sa buhay niya kahit minsan.


Mula sa isang pulubi na dinaguk-dagukan ng amo niya na miyembro pala ng isang sindikato dahil wala siyang nakolektang limos. Kaya natuto na magmura ang walang kamuwang-muwang na musmos. E pa’no, nahawa siya e. Impluwensya ba.

Sa isang banda naman, mga aroganteng nilalang porket nakasakay sila sa sasakyan. Hindi man lang matuto magbigayan sa daan e pare-pareho lang naman sila na nagbabayad para d’yan.

Mga tao na binabalewala ang karatula kahit sa totoo lang may namatay na sa kakalaro ng luksong baka sa isang binansagang “mamamatay-taong kalsada.” Isama mo na dyan ang hindi matuto-tuto na nagtatapon ng kanilang basura sa kung saan-saan lang. Mga walang pakialam na umiihi sa pader kahit Bawal Umihi Dito na ang nakapintura.

Mga kawatan na nagtatago sa kanilang damit para mapagtakpan lamang ang kanilang masasamamng adhikain sa buhay. Ginagamit ang angas sa maling pamamaraan e sa totoo lang patapon naman na ang kanilang buhay.

Mga taong pinaslang gamit ang makalawang na patalim at minsan ay may kasama pang tingga na pinutok mula sa kanyang baril. Ano ang kanilang mga sala? Pagsasabi ng katotohanan. Kung hindi man, paglalaglag mula sa masamang gawin ng kanyang grupong kinabibilangan.

Silang nagpapaikot sa ating mga kaisipan, tumatanggap ng lagay mula sa taong namumulitika. Naitatago man sa la mesa ang kanilang ginagawa, hindi ito alintana dahil halata naman sa kanilang mga kilos ng katawan.

Mga magagandang alaala sana ng isang nag-aalab na pagsasama. Sayang nga lang dahil ginagamit pang-blackmail ng mama kapag nakipagbreak sa kanya ang kanyang itinuturing na “mama.”

Mga taong humihingi ng tulong sa kapitbahay dahil sa mga kalamidad na nararanasan. Mga taong inaanod at nalulunod sa dagat dala ng basurang kanilang kinalat.

Mga taong may nais ng kapayapaan pero may sandatang hawak na tinatago lamang kanilang mga kamao.

Mga taong gumagawa ng iskandalo sa ngalan daw ng pagmamahalan. Mas malala pa sa isang talakserye ang kanilang mga asta. At walang tagapamagitan at tagapayong kasama kundi mga usisero’t usisera na hindi man lang nakaisip kung paano sila maawat. Kung pwede nga lang sana ako e. Kaya lang, anong magagawa ko, ala naman ipahampas sa kanila ang sarili ko mismo? E di ako naman ang nadehado at gastos na naman ang iisipin sa akin ng boss ko?

Pero sa kabilang banda, ako rin ang nagsilbing saksi sa ilang magagandang kaganapan sa buhay, tulad ng panahon na naisilang si Marie, hanggang sa kada taong pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, mga okasyon na kasama niya ang kanyang pamilya tulad ng Pasko, Bagong Taon, at mga biyahe sa kung saang panig ng mundo. Hanggang sa panahon na nagtrabaho siya at ako ang kanyang numero unong kasama sa ilang mga nagdaang mga dekada. Napapagod man at ilang beses man ako magkasakit, pero hindi ako hinayaan ng aking master na mapalala o tuluyang mawala.

Natatandaan ko pa nga, kasama ko si Pol bilang kapwa bantay. At nung lumipas ang mga tao, si Igi naman, at naging kasapi rin sila Maricel, Ciriaco, at Alesandro. Mga katuwang ko sa buhay na nagsilbing mata ng mga alaalang nagaganap at lumilipas. Mga itinuring ko na parang aking sariling anak, kahit wala naman talaga.

Sa paglipas ng mga taon, marami na akong napansin at natutunan. Marami na ang mga lihim na dapat na ibunyag ay hindi na tuluyang nailahad dahil sa pagpiring pa ng tela sa mata ni mareng Libra. Mga kasinungalingan na naging totoo sa mata ng mga nalinlang. Maraming mga buhay ang nakitil dahil sa isang masakit na bagay na tinatawag na “katotohanan.”

At akala nila pabigat lang ako, noon? Hindi. Dahil wala silang makikitang balita kung hindi dahil sa amin, ano? Ano yun? Radyo na lamang ba at dyaryo ang kanilang magsisilbing sandigan? Ni hindi man lang yata naisip ng mga ito na makakatulong din ang mga tulad naming kahit ganito lang kami, dahil basang-basa na naming, lalo na ako, kung sino ang mga tapat sa mga taong nagpapanggap at nagsisinungaling.

Hindi kami nanganganak, pero kami naman ay dumarami. Wala kang mapapanood sa telebisyon kung hindi dahil sa amin. Walang hustisyang magaganap kung hindi dahil sa amin. At maliban sa pagtingin sa salamin, ano na lang ang magiging larawan ng anyo o itsura mo lalo na kung babalikan mo ang nakalipas at gusto mo makita ang mga ito sa litrato?

Dahil kami, as in kami lang, ang mga nilalang sa lipunang ito na maituturing mga “hindi umiimik na saksi.” Hindi kami umiimik dahil kami ay gagana lang kami ‘pag minanduhan ng tao. At sa totoo lang, ang mga tao nga sana ang mas dapat pang maging mapagmatiyag kesa sa amin pero hindi ko sila masisisi kung bakit mas pinili nilang manahimik at magsawalang-kibo na lamang.

Ngayong tuluyan na akong magreretiro, kasama ng aking master na sumakabilang buhay na mula pa kahapon, sana naman ay mabuksan na ng mga tao ang kainlang mata at isipan, at gamitin ang kanilang mga kamalayan. Maging alerto sa mga posibleng mangyari. At huwag nilang antayin na kami pa mismo ang magsasabi para lang maiwaksi ang mga dapat maiwaksi, mabunyag ang sikreto ng mga maiitim na budhi. At bagkus mananatili pa kami na mga trabahador ng aming kani-kanilang boss sa pagsasadokumento ng mga magagandang bagay sa buhay na kanilang maaalala paglipas ng panahon at henerasyon na susunod sa kanila.

Dito na magtatapos ang aking buhay at karera, hahayaan ko na lang ang mga sumunod sa akin na magsilbing mga saksi sa mga susunod na kaganapan. Maraming salamat po.

Author: slickmaster | Date: 10/09/2012 | Time: 05:00 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!