Bago pa man naisulat
ng awtor na ito ang naturang blog, naglabas kamakailanlang ang Korte Suprema ng
isang Temporary Restraining Order o T.R.O. na nagpapatigil sa pamahalaan sa
pag-iimplementa ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of
2012 sa loob ng mahigit isangdaan at dalawampung (120) araw. Ang nasabing TRO
ay naging epektibo noong Martes, a-9 ng Oktubre, taong 2012, at ang naging
tanging pansamanatalang resolusyon base sa 15 petisyon sa SC ng iba’t ibang mga
grupo na kumokondena sa cybercrime bill mula noong pinirmahan ito ng Pangulong
Noynoy Aquino noong nakaraang Setyembre at tuluyang naimplementa naman noong
Martes, Oktubre 2, 2012.
Maraming tao ang nagtatanong sa akin ukol sa isyu ng
cybercrime law, lalo na noong nalaman nila na isa akong blogger na panay sa
pulitika, opinion at lipunan ang mga madalas na tema ng aking sinusulat o
nilalahad. Mula sa mga ka-clan ko sa text, Facebook friends, Twitter followers
at kahit yung mga nakaksabay ko sa pag-aapply ng trabaho.
Paano na lang daw ang tulad ko na isang blogger? Dahil
sertipikado daw na malalagay sa alangan ang mga tulad ko, amateur man (bagay na
kinabibilangan ko) o isang pro.
Sabagay, nakakatakot nga naman ang Republic Act 10175 o ang
Cybercrime Prevention Act, lalo na ang e-libel provisions, at lalo naman ang
Section 19 na nagbibigay pahintulot sa mga alagad ng batas na usisain ang lahat
ng mga data, at puwede pa kamo na ipasara o i-restrict ang acess sa anumang
computer data mo, kahit sa prima fache lang. Oo, kahit sa simpleng hinala lang.
Masuspetsahan ka na may ginagawang iregularidad kahit sa totoo lang ay wala
naman, e puwede ka nang madale.
Pero ito lang siuro ano po. Dahil matagal na rin naman ang
mga aktibidad ng pagba-blog, sa tingin ko hindi nito masusupil ang paglalahad
ng tao. Bakit kanyo?
Hindi naman lahat ay nagsusulat ng mala-opinyong bagay.
Marami dyan, magagaling magkwento, romantikong pag-ibig man, komedya, sekswal,
kaalaman o mga piksyon lamang. Iba-iba ang genre at specialization ng tao sa
pagsusulat ng mga nais nila.
At siguro, isang bagay lang ang pinapahiwatig ng mga batas
na tulad nito. Maging responsable sa paggamit sa mga salita. Ang hirap kasi sa
iba, basta makapaglahad, yun na. Given na ang katotohanan na may masasapul
talaga kahit gaano tayo kaingat (after all, hindi natin kaya i-please ang
sinuman at laging may dalawang panig ang isang balita), pero marami kasi ang
mga tao kung makapaglahad e daig pa ang mga balahura. Mga hindi nag-iisip o
naghihinay-hinay. Alam ko na uso na ang pagiging straight-forward, pero lahat
ng yan ay nilulugar. Nilalagay sa wastong posisyon. Hindi ka puwedeng bumitaw
ng mga maaanghang na salita kung ang tinatarget mo naman na mga tao na
magbabasa niyan ay ang mga batang hindi pa maintindihan ang mga baya-bagay.
Minsan nga naisip ko, too late na rin e. Kasi ang daming
barbaro sa FB at Twitter. Actually, marami na rin ang mga asal-gago noong
panahon na uso pa ang Friendster e. isama mo na ang pakikipagchat sa Yahoo!
Messenger. Pero okay na rin para makasabay naman sila sa agos ng tao at
teknolohiya. Yun nga lang, kung may rerepasuhin, e di irepaso. Problema ba
iyun?
O, sabagay, baka matatabunan na naman ito ng mga panibagong
isyu tulad ng Sin Tax Bill at Midterm Elections. At panigurado, kapag natapos
ang TRO nito sa bandang Pebrero 2013, marami na naman ang ugong-ugong na
reaksyon. Puputok na naman ang butsi ng karamihan.
Pero sa maniwala ka o sa hindi, hindi kayang supilin ng
Cybercrime bill ang pagba-blog. Hindi
talaga.
Author: slickmaster | Date: 10/16/2012 | Time: 11:32 a.m.
© 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!