03 October 2012

MASISISI MO BA SILA?


Ang mga tao sa mga social networking sites, na ang lalakas ng pwersa kahit hindi nagsasalita. Sa isang post o comment lang, kaya na nila banggain ang sinuman. Mga nambubully man, na-caught in the act na kawatan, at kahit ang mga sikat na personalidad. Masisisi mo ba sila kung bakit gan’on na lang ang reaksyon nila sa batas na tila kikitil sa kalayaan nila na maglahad ng anumang naiisip at nararamdaman nila sa internet?

Oo at hindi lang ang posibleng sagot na nakikita ko.


Sabagay, masisisi mo ba ang mga tao na naglalabas ng saloobin sa Facebook matapos ang nakakastress na araw para sa kanila? Kahit sabihin natin na walang nagagawang tama ang magbuhos ng emosyon sa isang social media post? Ito kasi ang nagsisilbing getaway nila sa masasamang bagay sa realidad ng kanilang buhay. Dito sila nagte-take out ng kani-kanilang mga frustrations at problema.

Masisisi mo ba ang mga sadyang opinionated lamang na tao, na nakikipagpatutsadahan ng mga kumento at personal na tirada sa kada nagbabanggaang trending topic sa Twitter? Pero mas mabuti sana kung tatanggalin na natin ang pamemersonal, ano po. Yan kasi ang hirap sa iilan. Sakit na yata nila iyan.

Masisisi mo ba na ginagawang katatawanan na lamang ang mga problema sa buhay ng ilang mga users? Yung mga may ayaw sa negative vibes at bad news na umeere sa mga balita? Sabagay, there’s a world of difference between having fun and making fun. Pero kadalasan kasi ang troll ay wala na rin sa hulog kung makapang-trip. Kahit sino na lang, titirahin, bumenta lang ang post. Walang pakialam sa mga sasagasaaan na tao kung sakali. Mas mabigat na damage yun, talagang prone sila sa cyber-libel. At ang mga matatamaan ng pagto-troll, parang maituturing na biktima ng isang kaso na tinatawag na “cyber-bullying.”

Masisisi mo ba ang mga taong mahihilig kumondena sa kada kalokohang nagaganap at naganap sa lipunan, virtual man o realidad? Oo nga naman, ‘di ba? May mga tao na mala-akitibista kung makapagreact, pero ayos lang ‘yan kesa naman sa mga taong nakikiuso lang at wapakels deep inside, as in may masabi lang.

Sabihin man natin na may halong conspiracy at mob mentality ang karamihan sa mga social networking users. But the real thing is, iyan na lang yata ang natitirang way nila para mai-express ang sarili nila. Maliban na lang kung mayaman sila sa load para magsagawa ng mala-group message na text brigade. At kahit ang mga blogs, na naging venue na para sa iba na maglahad, lalo na ang mga taong sadyang may passion sa pagsusulat.

Ngayon, bakit sila madedeprived para mailahad ang saloobin nila? Masisisi mo ba talaga sila? Oo at hindi.

OO, dahil karamihan sa kanila ay naglalahad sa mala-barbarong pamamaraan. Hindi man lang responsable sa mga sinasabi nila. Hindi ko alam kung hindi ba nila nalalaman na ang lakas ng kapangyarihan ng mga “salita” o nagpapanggap lang na ignorante ang mga ito. Sadyang totoo na may matatamaan talaga sa anumang mailalahad ng bawat tao, pero hindi ibig sabihin noon na hindi na tayo magdadahan-dahan. Alalahanin mo, ito ang panahon ngayon na maraming napapahamak dahil lamang sa pagsasabi ng totoo.

At HINDI dahil sa modernong panahon, sa mga gadget na lang tulad ng cellphone at computer na lang ang pamamaraan nila para makapaglahad. At bilang mamamayan ng bansang ito, iyan ang isa sa mga nakapaloob sa ating Bill of Rights. Parte yan ng karapatan natin bilang tao. Pero sa totoo lang, mas masuwerte pa tayo kesa sa ibang bansa na talagang banned ang paggamit ng social media by all means (o kung hindi man, e kontrolado pa rin).

There’s a thin line between telling the plain truth and defaming somebody else, whether by intention or not. Ibig sabihin, may pagkakaiba kasi ang pagsasabi ng totoo sa magsabi ka ng mga bagay na paninira na kung maituturing, sadya man o hindi. Kaya sa totoo lang, mag-ingat din kasi tayo sa anumang ilalahad natin, dahil iba-iba tayo ng pananaw bilang tao, parang malayang lipunan natin. 

Author: slickmaster | Date: 10/03/2012 | Time: 10:05 a.m.
© 2012 september twenty-eight productions.

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.