23 October 2012

The Problem With Over-Romantic Medium and The So-Called Commercial Value.

10/23/2012 | 08:01 PM

Babala: Ang mababasa sa akda na ito ay maaring naglalaman ng ideya o kaisipan na taliwas sa pananaw ng nakararami. Bago mag-react, magbasa muna. At kung may kontrapelong punto, gawin ito sa maayos na pamamaraan. Maraming salamat po.

Maraming bagay ang nagbago sa paglipas ng panahon. Mula sa binabasa hanggang sa napapakinggan at mapa-biswal na mga media. pero dati, may mga matinding distinksyon o genre ang mga ito, mula komedya, drama, horror, aksyon at iba pa. Pero ngayon? Ewan ko.

Sa sinehan, makikita mo na lang ang mga tipikal na genre ng pelikula kung una gawa ito ng banyaga. Ang lokal na eksena naman? Panay ikot na lang ng ikot sa mga love team at walang kaato-atoryang love story. Mula sa tinedyer hanggang sa buhay mag-asawa. Sabagay, halos lahat naman ay nakakarelate katulad ng inyong lingkod. Kaya lang kung ganitong bagay na lang palagi ang nakikita natin sa sinehan, eh parang ang boring na. Kumbaga sa joke, e gasgas na. Baloney.

Halos pareho din ang mga tema sa palantunan na pang-telebisyon. Walang telenovelang umeere sa primetime programming kung wala ang dalawang bagay na ito: ang love team at ang love story. Ops, isama mo na d'yan ang mga kontrabida na mas sakim pa yata sa mga kampon ni Satanas kung makagawa ng marahas at masamang bagay sa ngalan lang ng pag-ibig. Parang yung kasabihan na “Hahamakin ang lahat, mapasaakin ka lamang.” Meron pa nga dyan na napanood at napakinggan ko, “Wala akong pakialam kahit may matapakan pang ibang tao, makuha lang kita.”

Ops, teka muna ulit: ang pagkakaalam ko ay hindi naman yata tinuro sa asignatura ng pag-ibig ang maging sakim ah. Kaya bakit nga ba nagkakaroon ng mga ganitong karakter at plot? Well, “twist” yan e, Pero parang ang sakit naman ng twist na iyun. Parang mas okay pa yung dati na may fixed marriage at yung tipikal na tutol ang mga magulang sa sinisinta ng anak, bagay na talaga namang nangyayari sa tunay na buhay.

Pagdating naman sa musika, panay tema na lamang ng pag-ibig ang naririnig ng mga tenga. Nasaan na ang mga panahon na may matitinding mensahe ang nilalaman, mula sa pakikibaka sa lupang pinangako, paghahayag ng sariling kagustuhan (o pangarap) sa buhay, sa pagbibigay-galang sa mga alamat, pagpapahalaga sa buhay, pasakalye, hangad ng pagbabago, at iba pa? Yung mga panahon na hindi lang sa panay romansa’t sex ang laman ng mga playlist sa radyo?

Naalala ko ang babasahin sa lokal na literatura. Sabagay, mas maayos na lugar naman dun ang mga romantikong nobela na madalas na maililimbag sa mga pocketbook. Walang masama roon. 

Pero sa librong Gapo ni Lualhati Bautista, nilahad ng awtor ang kanyang tahasang pagkontra sa paglagay ng “commercial value” doon. Aniya, hindi siya nagsusulat ng libro para kumita lang. Bagkus, ito ay para mailahad ang nais niya sa arte o pamamraan ng sining.

Kaya minsan, sumasagi na sa isipan ko ang tanong na ito: “Nasosobrahan na nga ba tayo sa mga mga ideya ng romantisismo na ikinakalat naman ng mainstream media?”

Maaring nakakaasiwa na ito sa mata ng tulad ko. Ngunit sa totoo lang ay hindi bebenta ang negosyo at wala kang mapapanood at mapapakinggan kung wala ang mga ganitong tema ng palatuntunan. Magiging boring ang araw at gabi kung sa usaping realidad at balita na lamang iikot ang mass media. At baka nga sa sobrang pagkaurat mo, mas gugustuhin mo na lang na patayin ang telebisyon at magahanp ng mga bagay na magsisilbing taga-takas sa masamang realidad ng buhay mo. Walang mapag-uusapan ang mga magkakapit-bahay na kapwa manunood at tagahanga.

Pero parang sumosobra na rin e. Isipin mo kung ang isang talk show sa umaga ay laging naglalaman ng mga tanong na katulad ng “kumusta ang lovelife mo?” Ang mga palabas na nagbibigay-aliw ay may lamang love story at romantic violence, mula sa magtatanghaling timeslot hanggang sa mga oras na lampas na sa primetime slot. As in “all day long” ba na tila ang breaktime lang ng mga ito ay ang oras ng katanghalian at t'wing alas-sais y medya ng gabi. Parang hindi na nagsawa o wala nang balanse ang mga bagay-bagay.

Kaya sa malamang ito na lang din ang dahilan kung bakit hindi na ako nanunood masyado ng TV at sa mga blogs na lang madalas magmasid sa mga romantikong bagay.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.