12 March 2013

Liham para kay “Inang.”


12:14 PM | 03/12/2013

Ang akdang ito ay iniaalay ng awtor sa kanyang lola na namayapa eksaktong sampung taon na ang nakalilipas mula nang isinulat ito ng may-akda.

Dear Inang…

Kumusta ka na? Pati na rin ang mga auntie at uncle ko po ‘dyan? Matagal na rin pala nang huli kitang nakita. Humihingi ako ng paumnahin dahil sa minsan na lang din kasi ako makadalaw sa iyon dala ng aking pagiging abala sa pag-aaral at paghahanap ng trabaho nun.

Ako po? Ito, sinusulat ang liham na ito bilang pag-alala ko po sa inyo. Kung tutuusin, marami na pong nagbago sa panahon na ito. Napinturahan na ulit ang bahay, nagkaroon ng sasakyan, may mga bagong tao na rin ating tirahan, nagkaroon ng mga alagang aso, at iba pa. At kahit may pinagdadaang aberya at problema, nagagawa pa rin naming tumawa at ngumiti.

Sila nanay at tatay naman ay kayod-kalabaw pa rin sa pagtatrabaho, pati na rin sila ate sa kani-kanilang mga larangan. Ang bunsong kapatid naman namin e magtatapos na rin po ng pag-aaral sa elementarya.

Bilis ng panahon no? Parang kelan lang… naalagaan n’yo pa po ako. Pinapaliguan, binibihisan (naalala ko pa nga ang mga salita mong “palitan na natin ang baro mo, apo.”). Nagagawa pa nating lumabas papunta kila Aling Julie at kumain ng Mami, uminom ng 7UP (at hindi ko na po siya iniispell) sa tindahan nila Daddy Boyet, at manood ng TV. Kayo po ang madalas kong kasama buong araw nun.

Nakakamiss lang. Namimiss na po kita.


Aminado ako, noong una, hindi ko matanggap ang lahat-lahat nun – na wala ka na. Alam ko, marami namang nagmamahal sa akin (dahil may pamilya pa rin naman akong masasandalan at may lola naman ako sa side ni nanay) pero yung katotohanan na wala nang manililibre sa akin ng mami na may kasama pang 7 U-P, yung taong magpapaligo sa akin (dahil ilang araw na akong hindi naliligo… weh?! Biro lang po), yung maya’t mayang sabi ng salitang “baro,” at marami pang iba. Minsa’y napaluha pa noong nakita ko ang litrato nating dalawa noong ako’y magdiriwang nun ng ika-pitong kaarawan.

Kaso…  sana kung maibabalik lang ang panahon, hindi ka pa sana lumisan kaagad, inang. Sayang, nakita n’yo po sana ako na may hawak na Diploma nun. May medalya pa. Na sana nasilayan n’yo po ako na hawak yun, at makita ang ngiti sa inyong labi (kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon) at masabi kahit sa ihip ng hangin na “proud ako sa’yo, apo!”

Pero may magagawa pa ba ako? Ika nga ni Tatay, “una-unahan lang ‘yan, anak.” Lilipas man ang panahon na iyun, pero hindi ang mga alaala ng buhay n’yo, pati na rin ang mga nagawa n’yong kabutihan sa aming lahat.

Kung saan ka man ngayon, sana masaya ka na po sa piling ng Dakilang Maylikha. Tumanaw lang ako sa langit minsan at sana marinig ko ulit ang mga salitang ”proud ako sa inyo, hindi lang sa narating mo, pati na rin sa ating mag-anak,” mula sa iyo.

Hanggang sa ating muling pagkikita. Mahal na mahal po kita, Inang.

Nagmamahal,
Ang inyong apo.

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.