2:04:19 AM | 4/11/2013 | Thursday
Ikaw, Ginoong Juan dela Cruz, ano ang kaya mong gawin sa
ngalan ng kapangyarihan? Ano o anu-ano ang
mga kaya mong hamakin, makamit mo lang ang inaasam na pwesto sa gobyerno? Bakit
ikaw ang dapat naming ihalal, may ipapakain ka ba sa amin pag ikaw ay aming
nilagay sa balota?
Ang dami kong tanong, no? Akala mo ang daling sagutan. Pustahan,
kelangan mo ng sandamukal na mabulaklak na salita para lang maka-iskor sa aming
boto. At kailangan mo ng mga abugago, este, abugado para lang pabulaanan ang
mga interogasyon ko.
Pero ano nga ba talaga ang gagawin mo para manalo ka? Ano ang hahamakin
mo sa ngalan ng kapangyarihan?
Sa ngalan ng kapangyarihan, makikipagsabayan ka ba sa agos
ng karamihan? Na nalunod na sa ilog ng sistemang kabulukan at sa dagat ng
basurang kung tawagi’y “pulitika?” Oo, sadyang marumi ang pulitika sa ating
bayan, mula sa kampanya hanggang sa bilangan; mula sesyon hanggang proyekto. Wala
nang pinagkaiba.
Sa ngalan ng kapangyarihan, makikipagpatayan ka ba? Kikitil ka
din ba ng buhay ng mga taong nagsisilbing balakid sa daanan mo? O buhay ng may
buhay? Aba, nakakalimot ka yata na hindi ikaw ang nagpakalaki sa kanya kaya
wala kang karapatan na patayin siya. Gunggong!
Sa ngalan ng kapangyarihan, gagamit ka ba ng dahas? Kung hindi
ka nga papatay, pero manghahamak ka naman ng buhay ng iba? Ano pang pinagkaiba
mo sa mga bwakananginang iba dyan na may pera’t sandata lang e ang lalakas na
ng loob na manindak sa mga kababayan?
Sa ngalan ng kapangyarihan, maninira ka rin ba sa kapwa
kandidato mo? Mula sa
pagtanggal ng poster ng iba (at tatapalan ito ng makapal mong mukha), hanggang
sa siraan sa ere (grabe kayo ha, hindi na kayo mga bata para magsiraan sa
telebisyon, radio at harap ng publiko)
Sa ngalan ng kapangyarihan, tatahak ka rin ba sa landas nila
o gagawa ka ng sarili mo? At wala kaming pakialam kung matuwid yan o may
kurbada. Ano ang pinagkaiba mo sa ibang mga nilalang na tumatakbo sa darating
na eleksyon?
Sa ngalan ng kapangyarihan, ano ang igaganti mo sa amin
kapag binoto ka namin? Magkakaroon ba kami ng pagkain sa aming hapag-kainan? Magkaka-ipad
ba kami o panibagong cellphone? Pero hindi ito usapin ng pagbili ng boto. Ang punto
ko lang naman ay gaganda ba talaga ang buhay naming kapag ikaw ay aming hinalal
sa makintab na upuan na iyan? Aasenso ba tayo dyan pag ikaw ang gagawa sa
lamesang yan, o magmumukmok ka lang dyan, matutulog at nga-“nganga” lang?
May panahon pa para patunayan mo ang sarili sa amin. Hindi mo
kelangang magsalita agad dahil hindi kami naniniwala sa mga tulad ng mga kabaro
mo na nagsasalita nang patapos. Hindi ko kelangan ng salapi para lang masabi mo
na tinulungan mo kami. Hindi ko kelangan na magmudmod ng mga makamundong bagay
kung pasimpleng gahaman ka naman.
Pag-isipan mog mabuti yan, para mapaniwala mo kami na
malinis ang intensyon mo.
Uulitin ko ang tanong, Juan Dela Cruz…. Ano ang hahamakin mo
sa ngalan ng kapangyarihan?
Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight
productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!