07 June 2013

Pasukan Na Naman! E Ano Ngayon?

12:49:12 AM | 6/7/2013 | Friday

Ito ang araw kung saan ay magkahalong emosyon na naman ang mga bata. May mga tao kasi na excited na pumasok sa eskwelahan habang ang iba naman ay tamad na tamad pa.

Pero, wala na tayong magagawa d’yan. Hunyo na, mga tol. Tama na ang panahon para maging isang hunyagong tambay o tamad na nilalang. Dahil pasukan na naman.

Eh ano ngayon?


Pabonggahan na naman ng gamit. Paramihan at payabangan ng mga bagong lapis, papel, bolpen, notebook, at ultmong mga bag. Pakapalan ng yellow at intermediate pad na pustahan matapos ang isang buwan na punong-puno ng quiz, mamumulibi ka rin at hihingi sa pinakamabait na katabi. Pabonggahan ng tinta ng mga ball pen na mauubos din matapos mong drowingan ang mga blangkong pahina sa likod ng notebook mo. At payabangan ng design ng ID lace, at pag dumating ang school ID mismo, tatamarin ka rin naman na isuot ang mga ito.

Pasukan na naman! E ano ngayon? Magkikita na naman kayo, mula sa crush mo hanggang sa mga taong bumubully sa iyo. Mula sa kaaway mo na pinanggigigilan mong sapakin sa kada pagkakataon na nag-aya siya na “abanagn tayo sa labas pagkatapos ng klase” hanggang sa mga barkada mo na palagian mong kasama sa panahon na wala kayong nagawa sa inyong takdang-aralin at sa pagkakataon na umo-ober da bakod kayo para lang makapagbulakbol. Sa madaling sabi, isang taon mo na naman silang makakasalamuha’t pakikisamahan. Oo, sa ayaw at sa gusto mo. Langit at impyerno pa rin ang magiging atmosphere ng classroom para sa iyo.

Ayan na rin ang mga titser mo, mula sa pinaglilihiman mo ng pagtingin (ke paghanga man yan o dahil lang sa init ng katawan), hanggang sa mga terror na palagi mo na lang iniiwasan at sinusumpa. Samahan mo na rin ng guidance counsellor, yung taong kinatatakutan mo sa twing napapagulo ka o baka naman ay tropa-tropa mo na dahil sa ilang beses ka nang napapatawag.

Pasukan na naman! E ano ngayon? Uso na naman ang salitang “baon.” Yehey, may pera na naman silang gagastahin. May salapi na mahahaawakan para maitext ang kasintahang kaklase (asus, e kung mag-usap na lang kayo ng personalan no?), pangrenta sa PC at sa iyong paboritong DOTA at pang-nood ng sine.

Maliban pa d’yan, uso rin ang salitang “service,” lalo na kung konyo ka’t wala kang sense of direction. Tamad mag-commute o sadyang may takot ka lang sa mga kalye kung saan ay naglilipana ang mga balasubas na nilalang mula sa mga drayber na mahihilig lumusot kahit mali-mali na ang dinadaanan at marami nang gusoit, hanggang sa mga kunwaring pedestrian pero snatcher pala. Naku, balang araw, hindi ka isasalba ng taxi sa panahon na kulang-kulang din siya sa urban geography. Explore-explore din, tsong, ‘pag may time.

Pasukan na naman! e ano ngayon? May nabago ba sa kapaligiran ng eskwelahan mo? Maliban sa tumaas ang matrikula mo ngayong taon at semester? O baka naman uminit lang ang ulo mo sa traffic, kay manong sekyu na sobrang higpit sa inspeksyon (to the extent na ultimo ang hulsa ng brief mo e kinakapa pa), sa mga tao sa paligid na lagi na lang nagkukupal, umaraw man o umulan, may pasok man o wala, at sa kung sinu-sino pang tao at kung anu-ano pang mga bagay d’yan?

Pasukan na naman! E ano ngayon? Malamang, balik ka na sa buhay estudyante, kaya kung ako sa ‘yo, tigil-tigilan ko na ang pakikipaglandian d’yan at mag-aaral na ako.

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions


No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.