27 August 2013

Bayanihan Noon.... Ano Na Ngayon?

8/27/2013 11:35:38 AM

Salamat sa Studio 23 para sa isang napapanhong TVC sa kabila ng martsa ng karamihan ukol sa pork barrel. Napanood ko ‘to habang nakatuned in sa aking lumang paboritong sitcom nun.

Kahapon ay araw ng mga bayani. Kaso, maliban sa “ano naman ngayon?” ay paano kaya kung buhay pa ngayon ang mga bayani na nakikita lang natin sa dating palabas ng ABS-CBN na Bayani, at mga aklat ng Kasaysayan, o HEKASI, o Sibika at Kultura?

Naalala ko nga ang isa sa mga pinakaunang episode ng interstitial na Word Of The Lourd na tungkol naman sa sampung propesyon ni Jose Rizal kung nabubuhay siya ngayon.

Pero paano nga ba kung buhay pa siya ngayon? Isa ba siyang makata na kaya pang higitan ang mga nobela ukol sa katiwalian sa lipunan? Bebenta pa nga ba ito sa kapanahunan ng mga pocketbook,at mga akda nila Dan Brown, Paolo Coelho, at ultimo yung mga nagsusulat mula sa Wattpad?

Nasa medical profession siguro siya. Dahil doctor siya eh. At malamang marami siyang clinic sa mga ospital dito. Kaso 'wag lang sana malakas maningil tulad ng iba d’yan.

Eh ung mga nagsulat sa mga lathalaan na tulad ng La Solidaridad? Yung mga tulad ba nila Graciano Loepez Jaena at Marcelo H. Del Pilar ba? Either maging political blogger sila o isang lehitimong journalist. Halos may pagkakahalintulad sila ni Rizal. 'Yun nga lang, ang ‘to sa malamang ay dadaigin pa ang mga tirador sa mga pahayagan at blog. Lalo na’t usong-uso pa rin sa ngayon ang mga taong may halang na bituka na sa katauhan ng mga kontrabida sa mga nobela ni Rizal.

Eh kung sila Bonifacio kaya, pati si Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, ang buong Katipunan? Dalawang hanay lang yan – militar o makakaliwa. Pareho silang may matitinding alab at may kakayahan para magsagawa ng rebolusyon. Kahit dumanak pa ang dugo, basta para sa bayan. Military kasi maari sila maging kabilang sa sandatahang magtatanggol sa mga kawatan at mananakop na kapitbahay. At pwede ring rebelde dahil sa tinutuligsa nila ang kamalian sa pamahalaan, kahit sa mata ng pangkariwan ay mga leftist silang maituturing.

Si Emilio Aguinaldo kaya? Baka politican pa rin. P'wede ring presidente. O baka tulad din sa mga Katipunero at iba pang mga rebolusyonaryo na tulad nila Lapu-Lapu, Diego Silang, at Francisco Dagohoy. Ngunit sa kaso ng pag-assassinate kila Bonifacio at Hen. Antonio Luna? Ewan ko na lang.

Kung si Balagtas kaya? Makata sa malamang. At sinasabi na ang mga rap battle tulad ng FlipTop at Sunugan ay maihahanay sa “modernong balagtasan” (bagay naman na pinagdududahan ko sa totoo lang din)? Okay, siguro modernong balagtasan kasi bago ang istilo ng pagbabato ng mga talinhaga, o skill. Pero sa totoo lang, matuturing na misconception yan kung ganyan ang paniniwalaan sa mga rap battle.

Pero matuturing pa rin na makata siya. Baka nga siya lang ang mananatiling sikat kahit sobrang klasiko na ng kanyang pagbibitaw ng mga salita.

Pero anu-ano nga ba ang mga bayani sa ating lipunan ngayon? Ang mga tulad ba nila Manny Pacquiao? Charice? Apl.De.Ap ng sikat na the Black Eyed peas? Dahil gumawa sila ng hakbang para makilala rin ang Pinoy sa buong mundo. Pinoy pride ba.

Katulad din ba ng mga manlalaro ng Gilas dahil kung hindi dahil sa magical run nila sa FIBA Asia e hindi malolocate ang Pilipinas sa mundo ng basketball?

O baka naman tulad ng mga action movies noong mga nakaraang dekada na gino-glorify ang mga baitkang kawatan, maliban sa mga alagad ng batas?

Sinasabi na bagong bayani ang mga Overseas Filipino Workers o mga OFW. Dahil ba ito sa dahilang ekonomikal? Dahil ba sa samu’t saring mga suliranin na hinaharap nila sa ibang bansa habang nagtatrabaho para lang maiangat ang buhay nila at ng pamilya mula sa kahirapan? Kaso, ang matinding tanong pa rito ay “napapahalagaan ba ng mga pamilya ng mga bayaning ‘to ang halaga na natatanggap nila mula sa kanya?”

At uso pa ba ang “bayanihan spirit” sa panahon ngayon? Sa panahon na emosyon lamang ang nagpapatakbo sa mga tao para kumilos? Sa panahon na walang pakialam ang karamihan sa mga nangyayari sa lipunan? At sa panahon na umiikot ang estado ng halos bawat tao sa lovelife-katamaran-teleserye-kontrobersiyal-at-kababawan? Maari, kahit sa piling tao nga lang na ito makikita.

At baka bago ka pa yata mabansagan na isang bayani, e baka naman ituring ka muna ng mga tao bilang “baliw,” “gago,” o “istupido.” Kulang sa appreciation at glorification ba ang mga taong ‘to.

Muli, ang tanong: Uso pa ba ngayon ang mga "bayani?"

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.