7/29/2013 6:06:02 PM
Alam ko, hindi maganda ang dating nito sa inyo. Pero anong
pake n’yo anyway? Kayo ba nagsulat? HA?! ‘De. Hindi naman sa ganun.
Kung tutuusin, isa ito sa mga pinakamasakit na pangyayari sa
buhay ng sinuman, unless kung talagang trip mong umalis sa trabaho dahil: una,
hindi ka na masaya; pangalawa, inaabuso ka ng mga nasa paligid mo; at pangatlo,
karampot lang ang sinasahod mo; at pang-apat, iba pang personal na dahilan na
ikaw na lamang ang nakaaalam.
Sa totoo lang, ang inyong lingkod ay nakaranas ng matinding
depresyon magmula noong nagsara ang kumpanya na pinagtatrabahuan niya. Masakit
nga naman. Wala kang kikitaing pera, wala kang pagga-galaan, dadagdag ka pa sa
populasyon ng mga tambay sa ating bansa, makikipagsaparalan ka pa sa kalbaryo
ng paghahanap ng trabaho, kukutyain ka na naman ng mga matapobre sa paligid, at
kung anu-ano pang hindi magagandang bagay na posibleng maranasan mo.
Pero sa totoo lang, walang maidudulot na maganda kung
maglulupasay ka sa sitwasyon mo. Walang maidudulot na maganda ang pighati,
sakit ng ulo, luha at kung anuman. Magugutom ka lalo, mapaparanoid, baka
nanaisin mo na lang na suntukin ang bakal na pader dyan. Kung hindi man, baka
kumapit ka sa patalim, bagay na ayaw na ayaw ng konsensya mo.
Sa buhay kasi ngayon, kahit sobrang marahas ng mundo,
kailangan mong labanan ito e. Ika nga ng ilang change experts tulad ni Chinkee
Tan, Chink Positive. Oo, think positive ba. Ika nga ng kanta ng bandang Orient
Pearl, “Pagsubok lamang yan. ‘Wag mong itigil ang laban.” Yun nga lang,
malaking hamon ito na tingin ko naman ay kakayanin ng sinuman na dumaranas din
ng sitwasyon ko.
Kaya naisip ko tuloy na sa halip na magmukmok at sirain ang
mga sirang plywood (sira na nga, sisirain pa e no?) sabay hampas sa mga
siraulong tambay, e inisip ko na lang din na may magandang darating sa akin,
maliban pa yan sa kadahilanang “everything happens for a reason.”
Panahon ito para magmuni-muni ka. Siguro, na-stress ka na
rin sa mga pinagdaanan mo sa trabaho. Have a break paminsan-minsan. Okay lang
ituloy ang laban sa buhay pero kung
kinakailangan mong mag-unwinde, ito ang tamang panahon. Huwag nga lang sosobra
na para namang tatamarin ka na niyang maghanap ha?
Dahil free time mo na, e di gawin mo ang mga bagay na
nakapagrerelax sa iyo. Manood ka ng pelikula (pero suggest ko yung mga
nakakatawa), makinig ng musika, magdasal kung relihiyoso ka, kumain ka kung
tingin mo nangayayat ka. Kung may mga bagay na hindi mo nagagawa noong may
trabaho ka, tingin ko ito ang panahon na makababawi ka. Yun nga lang,
tipid-tipid din pag may budget ha?
Panahon rin ito para pag-aralan mo ang sarili mo. Hindi a la
science experiment ha? Pero ang tinutukoy ko ay magnilay-nilay ka. Pansinin ang
mga pagkakamali sa buhay mo at mag-isip ng paraan kung paano ka makaiiwas mula
rito sa susunod na pagkakataon. Planuhin mo rin ang susunod na hakbang mo.
Disiplinahin ba.
Walang masama dito. Lahat naman ay dumaranas ni isang araw
man lang na walang trabaho e. Yun nga lang, gamitin sana ang panahon na ito
para makapaghanda na makipagsaparalan sa tunay na mundo. Cheers para sa mga
nawalan ng trabaho! Mabuhay tayo, at mabubuhay talaga. Makakahanap tayo niyan.
Sikap at tiwala lang.
Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!