Isang physical sport ang basketball. Natural na ang mga pisikalan. Natural na ang may nasasaktan, at natural ang makakasakit, kahit halos lahat ng dahilan ng mga ito ay "laro lang."
Oo, halos lahat nga lang. Dahil hindi rin maisasantabi ang ilang beses na intensyon ng isang tao na may maitim na balakid sa court, mapanalo lang ang laban.
Sa totoo lang, kahit ang inyong lingkod ay minsan nang na-engage sa mga away sa laro kahit na hindi siya pustahan. At minsan sa talambuhay ko ay nasaksihan ko ang una sa mga serye ng bakbakang Joseph Yeo at Enrico Villanueva sa unang dream game ng Ateneo at La Salle noong gabi ng Disyembre 8, 2005 sa Araneta Coliseum. Isang oras natigil ang laro nun buhat ng matinding alterkasyon sa pagitan ng mga nasangkot na manlalaro.
Uso na ang may mangyayari na mga serye pagtatalo at alterkasyon sa basketball. Kadalasan ang dahilan ay dayaan kung ano ang foul sa hindi. Matagal na rin itong nasa sirkulasyon ng kasyasayan ng mga laro. Ke sa mga naunang taon at dekada man ng PBA yan, o kahit sa pinakaunang professional basketball league sa mundo nun na NBA.
Sa larangan ng pormal na laro, ang nasisisi dito ay ang mga referee. Ang daming angal sa mga non-call at missed call nila sa ilang mga pisikal na aktibidad sa hardcourt.
Hindi na rin ako nagtataka kung bakit tila nauuwi sa matinding pakikipaglaban ang mga manlalaro. Tulad na lamang ng pagbato ng mga suspensyon sa mga unsportsmanlike foul sa mga collegiate league tulad ng NCAA at UAAP.
Lalo na sa parte ng mga taga-Pamantasan ng Silangan o University of the East. Na tila binabato ng mga fans nito ang kasalukuyang commissioner ng naturang liga. Kunsabagay, marami kasing ingay na umalingawngaw sa termino ni Chito Loyzaga. Marami ring apela, dahil marami ring sanctions na naganap.
Sa larangan ng professional basketball, matapos ang limang taon, ay may naganap na naman na basket-brawl sa pagitan ng mga manlalaro. As in ganitong katindi ha? Ang mga nasangkot ay ang mga manlalaro ng San Mig Coffee at Globalport. Nagsimula sa double foul, at nauwi naman sa halos sampung minutong stoppage. Lahat yan ay naganap sa 8:11 mark ng 3rd quarter ng laban nila noong Miyerkules, Setyembre 4 sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Ejected sa laro sila Marc Pingris at Kelly Nabong. Suspended pa sila (kasama nila Joe Devance) at may multa pang ibinato sa kanila ni Comissioner Chito Salud (kasama naman ni Marvin Hayes). Bagamat nagkasundo na ang magkabilang kampo dahil nadala lang naman sila ng kani-kanilang kagustuhang manalo sa laban.
Bago ang labanang yan sa PBA ay may salpukang naganap sa UAAP sa pagitan ng isang La Salle fan na si JJ Atayde at si Coach Bo Perasol ng Ateneo Blue Eagles.
At ilang linggo na ang nakalipas, sa NCAA naman ay muntik nang magpang-abot sa hardcourt ang ilang manlalaro mula sa Emilio Aguinaldo College at Arellano University. Yan ay kahit tumunog na ang final buzzer at nanalo nun ang EAC Generals. Buti na lang kamo ay hindi ito nauwi sa isang basketbrawl.
Madaling magbitaw ng salita na "huwag ka na lang maglaro ng basketball kung ayaw mong masaktan." Pero kung hangal na fanboy ka lang naman, na mahilig makakita ng human version ng sabungan, sasabihin ko sa'yo - maglaro ka muna ng basketball bago mo bitawan ang mga salitang yan. Hindi naman sa sinasabi ko na parang tino-tolerate ko ang mga kilos na yun, ha? Alam ko, patience is a virtue, pero alalahanin mo na hindi kayo pare-pareho ng tingin sa basketball. Pero Uulitin ko. Pisikal na laro ang basketball. May pagkaemosyonal din. Patibayan ng composure. Matinding asaran din ang nagaganap along the way. Kaya ke magkagulo man o hindi, it's all part of the game.
Author:
slickmaster | (c) 2013 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!