Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

07 November 2013

Bullshit!

11/7/2013 8:05:30 PM

Aba, dumating na ang pinakahihintay ng lahat! Ang malaking pasabog sa kasalukuyang usapin ng iskandalo sa pork barrel. Kumbaga sa mga istorya ng palabas, ito yung climax.

Pero matapos ang halos 6 na oras ng hearing sa Senado, at 7-8 oras ng media coverage, pucha, wala naming nangyari eh. Hindi ko masasabing disappointed ako, dahil sa totoo lang, inaasahan ko na rin na mangyari ang mga dapat mangyari sa pakikipagtunggaling ito. Baka yung ibang nakatutok sa palabas na ito, oo, sobrang bad trip lang. Napapa-tangina na lang ang mga bibig nila sa pagkadiskuntento at dismaya.

Parang over-hyped lang talaga tuloy ang naging datingan.

Bakit ko nasabi ang mga ito? Kung nakatutok ka buong araw sa mga kaganapan sa Senado, hindi ko na kailangang i-kwento pa sa iyo (baka nga mas updated ka pa sa akin eh). Pero for the sake of “benefit-of-the-doubt,” ito lang ang masasabi ko: Pasumpa-sumpa pa kunwari, ‘di ka parin pala aamin, ‘di maintindihan ang takbo ng ‘yong isip.  Kung mayron ka pang delicadeza d’yan, ipagtapat mo lang sa amin, baka gawin ka pang isa sa saksi. (Ops, di niya katunog yung kanta ni Tootsie Guevarra, ha?)

Aba, playing innocent ba ang peg ni Janet Lim-Napoles kanina sa pagdinig? Bakit ko nasabi ang mga ito? Panisinin: sa halos bawat sagot ni JLN sa tanong ng kanyang mga mambabatas, ang mga ito ang palagiang sinasabi niya: “Hindi ko po alam.”

Tama, hindi raw niya alam. Wala siyang kaalam-alam. “Hindi nga niya maalala eh.” Ano ‘to (kung sakali mag-iisip pa ng mas matindi), nagsisinungaling ang kanyang dating empleyado at kamag-anak na naglakas lang ng loob na ikanta ang mga anomalyang pinagaggawa niya? Mantakin mo, ang pagpe-Face-to-Face nila Napoles at ni Benhur Luy (kahit actually, hindi sila nagpansinan) ay nauwi lang sa isang malaking denial game?!

Ang tanong, sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo?  Ayon kay Napoles, sinungaling daw si Luy, binweltahan din naman ni Luy ng “sinungaling” si Napoles. Ano kaya yun? Pinagloloko niyo lang yata kami dito eh. Kalimutan ang mga numero. 6 versus 1? Consipracy ba ang theory? Lumalabo na eh. Pero huwag niyo nga lang pilitin na ipamin yan, baka ito lang ang maisagot niya sa inyo...

“I invoke my right against self-incrimination.”


Bakit? “May kaso na kami sa BIR eh. Doon na lang namin ito sasagutin.” Taray, showbiz na showbiz ang sagot ah. Pero... tama, proper venue nga naman. Kasi baka magamit pa ito laban sa iba pang kaso laban sa kanya. Playing safe ba? Wala tayong magagawa, kelangan niyang ingatan ang mga sasasabihin niya eh. At ‘yan ang down side sa mga publicized at media-coverage na senate investigation. Pinapaikot ka lang, kaya nagkakandaleche-leche lang naman ang mga kaganapan.

Malaki sana ang tulong ni Ateng Miriam Defensor-Santiago dito kaso kahit ang pinakamaangas na senador sa balat ng lupa (and at the same time, ang pinaka-superstar kung entertainment lang naman ang usapan – siya ang pampataas ng rating sa kada Senate news coverage eh), ‘di tumalab sa powers ni Pork Barrel queen!

Mantakin mong ke mainit man o kalmado na nga ang aura ni Ate, alaws pa rin. Sabagay, kung ikaw ay husgado, malamang alam mo rin ang sikolohiya ng isang criminal na “hindi naman aamin ang mga yan kahit gisahin mo pa yan sa ilang litrong kumukulong mantika.” Mabuti sana kung uso pa rin sa panahon ngayon ang pag-torture – bagay na ayaw na ayaw mong masaksihan, of course.

Pero, hindi raw talaga niya alam eh. Hindi niya maalala. May amnesia yata. Di kaya umaakting siya as if na siya yung nasa role ni Toni Gonzaga sa pelikulang “My Amnesia Girl?”

Pati ako, hindi tuloy alam kung paano ko tatapusin ang mga sinulat kong ito. Yaan mo na, ewan ko lang kung may tututok pa ba sa sarswelang ito.

Isang bagay lang ang sigurado d’yan: kapag na-contempt yang si Janet Lim-Napoles, isa lang din ang dahilan... yan ay “hindi ko po alam.”


Bago matapos ang lahat, may commercial la ng tayo. This post is brought to you by... Napoles Facial Creme. "Para sa mukhang walang kasing tigas!"



Photo credits: Twitter
Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Follow SlickMaster on: TwitterInstagramFacebookFlickrand Tumblr.

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!