Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

29 March 2014

Graduation Na! Eh Ano Ngayon?!

3/28/2014 11:47:19 AM

Sa parte ng isang magulang, wala nang sasaya pa kesa sa makita niya ang anak niyang makapagtapos ng pag-aaral. Oo, hindi ito makakaila – yan talaga ang isa sa mga pinakapangarap nila para sa ating lahat.
At ayan na, mamartsa ka na sa red carpet papunta sa entablado kaharap ang mga nakatataas sa pamantasan na minsan mo nang pinasukan, pinag-aralanan nang napakahabang panahon, tinakasan para magbulakbol, at palagiang binabayaran ng tuition.

Ayos, after four years sa kolehiyo, o 17 years overall (exception na nga lang sa panahon ngayon na may K+12 program, so kayo na bahala mag-adjust dun), ay graduate ka na.

Pero ang tanong... eh ano ngayon?


Ano na ang mangyayari sa iyo pagkatapos mong makuha nang diploma mo? Tara, inuman na.
‘De. Ayos lang yan. Walang masama na magdiwang paminsan-minsan, lalo na kung matapos ang mahaba-haba-haba-hab-habang panahon (parang tagline lang ng isang beer ah) ay nagiging uling na panggatong palagi ang kilay mo sa kasusunog niyan.

Pero pagkatapos ng celebration, ano na mangyayari? Alalahanin mo na ang emosyon na dala ng kasiyahan ay pansamantala lamang. Ang swerte mo na nga lang kung ikaw ang hinahabol ng trabaho.

Pero ito ang tunay na mundo, napakaharsh man sabihin, pero nuknukan talaga ng mahihirap na pagsubok ang lahat. Sa mundong ito makakaengkwentro ka nang mga bagay na baka sa malamang ay ikagugulat mo na lang. Wag ka na nga lang sana ma-culture shock nang sobra-sobra kung sa kabila ng mga job interview mo ay hindi ka pa rin pinalad.

Wag ka na rin magugulat na keso kahit napakapormal ng suot, may mapipintas pa rin sa istura mo. Perpeksyonista, fault-finder, ganyan talaga. Nasa sa mga alas mo na kung paano mo ito maaalpasan.

Minsan kung gaano kakapal ang mukha natin sa pakikiharap sa mga tao ay siya kung kabaligtaran kung makaharap natin ang interviewer natin na boss. Nakakintimidate, nakakakaba, yung buntot mo, bigla na lang mabahahag na akala mo’y nakagawa ka ng kasalanan at nireklamo ka na kagad sa programa ni Tulfo.

Sa totoo lang, maaring matatapos na ang buhay estudyante mo sa isang tinatawag na ‘graduation.’ Pero alam mo, nagsisimula ka pa lang na harapin ang mundong ginagalawan mo, kaya nga siguro ito tinawag na ‘commencement’ exercises ayon na rin sa tropa kong si Merriam-Webster.


Sa totoo lang, ang iyakan, yakapan sa parte ng bawat kaibigan at kaklase mo ay maaring naghuhudyat ng pagwawakas sa parte ng inyong pakikipag-ugnayan sa buhay. Pero may choice ka kung pananatilihin mo pa rin ang lahat, kahit sa kabila ng mga serye ng pakikipagbanggan ninyo sa isa’t isa.

O choice mo na rin kung ayaw mo na ituloy ang ugnayan mo sa kanila.

Pero graduation na! Eh ano ngayon? Lilipas din yan na parang hang-over mula sa ilang botelya ng alak na iyong nilaklak. As in magiging okay ka pa rin. Magiging normal din ang lahat, kahit sabihin mo pa na maninibago ka. Eh ganun talaga eh.

Maswerte ka nga in fact kung makakagraduate ka talaga, kesa naman sa mga ilang kaibigan mo sa eskwela na pagkatapos magbulakbol, ayan sila na sobra-sobrang nagkukumahog. Either bumagsak sila at nagging repeater, o nag-stop na dahil either wala na silang pangmatrikula, o dahil nakabuntis (o kung babae: nabuntis) siya.

Uulitn ko, kahit ganun pa man ang mundo ng haharapin mo bukas, napakaswerte mo.

Pero kahit ganun pa man… hindi magtatapos ang buhay-estudyante mo sa sandaling tinawag ang pangalan mo, pagpunta at pag-akyat sa entablado, pakikipagkamay sa mga nakatataas, at pagkakaroon ng diploma (o kung maswerte ka, may kasama pang medalya).

Maaring katapusan na ng araw-araw na pakikipagsapalaran mo sa eskwelahan ang araw na 'yun, pero sa totoo lang, nagsisimula ka pa lang na tahakin mo ang sarili mong landas; ang daan na iginuguhit mo pa lang nun habang naka-uniporme ka pa; ang sarili mong paglalakbay sa tunay na mundo.

Dahil habang humihinga ka pa, nag-aaral ka pa rin. Natututo sa mga pagkakamali. Natutuklasan ang mga bagong bagay na magsisilbing leksyon at paalala, sa iyong mga susunod na hakbang at plataporma sa buhay.

At wala sa papel na kung tawagi'y 'diploma' ang pinakatibayan - nasa utak at kamalayan mo 'yan.


Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions



No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!