Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

25 November 2014

Paalam

11/2/2014 1:36:10 PM

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit kailangan pa natin nito. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang magsulat nito (pero sabagay, wala namang nag-utos sa akin nito. So parang timang lang, hahaha), pero bakit pa nga ba nating magpaalam sa isa’t isa?

Siguro ganun nga talaga ang takbo ng buhay ano? May darating man, may aalis. Hindi man pabor sa akin yun (o sa kahit sa iyo rin, at sa kahit sinong tao), pero patunay lang na “quits” lang, o patas pa rin ang buhay sa kabila ng lahat. Siguro nga mali ako sa aking mga kilos at salita. Siguro nga nagkulang talaga ako sa pagpapahalaga. Siguro nga.

At dahil siguro, yun nga ang dahulan, patawad lang ang maibubuka ng bibig ko.

Ang tagal ko na dapat sinulat ito. At dapat matagal ko na ring nillimbag ito, nang matahimik ang mga ugong-ugong. Na matigil na rin ang isyu. Na matigil na rin ang mga kupal na mahihilig magtanong kung bakit wala na tayo (pag sinupladuhan mo kasi, hahaba pa ang usapan, kung hindi lang kasalanan na manapak bigla ng mga ganitong uri ng tao eh).

O, siya, paano ba iyan? Kung magkikita muna muli tayo, hanggang pagiging kaibigan na lang.

Salamat ha?

Salamat sa mga alaala; masaya man o malungkot; malarainbow man, o greyscale (ha? Ano daw?) ang naging kulay nito; sa mga awayan at batian, sa tawanan at iyakan; sa tampuhan at lambingan; sa lahat-lahat ng oras na pinaggasta nating dalawa sa isa’t isa, saglit lang o inabot man tayo ng buong magdamag.

Salamat dahil minsan hindi ko kinaila na minahal kita. Akalain mo ang mokong na ito, magmamahal din pala. Akalain mo, sa pitong bilyong populasyon ng mundo, at least may isa dun na nagparamdam sa akin ng pagmamahal. Akalain mo, may kasama pala akong kumakain ng sisig at tapsilog na may extra rice, magsasawsaw ng karne ng adobo sa suka, manunood ng kung ano-anong kalokohan at kabrutalan na palabas, babaybayin ang iba’t ibang lugar nang magkasama, kukuha ng litrato ng nagmamagandang kalangitan, magsimba’t hawak-hawak ang iyong kamay sa tuwing kumakanta ng “Ama Namin,” at ultimo ang pasimpleng halikan sa lugar na pareho nating gusto – ang bookstore.

Akalain mo nga naman ano.

Pero paano ba yan? Hindi nga lang natin alam kung magkukrus pa ang landas natin. At kung mangyari man, alam ko na masaya ka na sa iyong buhay. At kung hindi man sakali, lilipas din yan.

O siya, paalam na sa mga alaalang ito. Isa ka nang marka sa kasaysayan ng buhay ko.

Ulit, paalam.


Author: slickmaster | ©2014 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!