2/1/2015 12:49:03 PM
“Kung ang hangad ay kapayapaan, bakit kailangan pang makipagdigma? Kung ang kagustuhan ay pakikipagsundo, bakit kailangan pang dumanak ng dugo?”
Sa panahon na isinusulat ko ito, dalawang bagay ang naalala ko sa isipan ko: ang pelikulang “Bagong Buwan” ng yumaong director na si Marilou Diaz-Abaya, at ang tugtuging “Cotabato” ng Asin.
Kung bakit, hindi ko rin alam. Basta, ang malagim na salpukan sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Linggo ay isa sa mga napakasalimuot na kaganapan sa taong ito.
Ang pakay ay para madakip ang tinaguraing Osama Bin Laden ng Southeast Asia. Pero maliban pa sa mga nasawing 44 na miyembo ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP-SAF), mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga sibilyan, nalagay sa alanganin ang isang napakahalagang adhikain na para sa Mindanao: ang hakbang para sa kapayapaan.
Parang isa sa mga magugulong ironiya sa buhay ito ha? May mga lupon na gusto ng kaayusan, pagiging independente, pagaayos sa teritoryo, at kung anu-ano pang kabutihang bagay, pero lagi itong nadadaan sa marahas na pamamaraan.
Saan nga ba nagkakaiba ang lahat?
Paniniwala. At yan ang pinakamahirap banggain o pag-usapan man lang. Basta may kinalaman sa paniniwala, pulitkal man, kultural, o relihiyon, maghanda-handa ka na ng armas.
Pero parang minsan, ang hirap na rin eh: minsan, mawawari mo na lang – hindi kaya nagkakaintindihan tong mga to? Kaya hinahayaan na lang nila ang mga bala na makipag-usap?
Sa totoo lang, pagakatapos naman ng sigalot na ito, wala rin namang panalo e. Lahat talo, dahil lahat, napagastos – at hindi lang pera ang tinutukoy ko rito. May mga tao na makukulong sa ataul, mababaon sa lupa, o kung nasa kagustuhan niya, magiging abo.
Mayroon rin namang makakaratay sa kama sa loob ng mahabag panahon. Maaring ang sugat nila’y maghihilom, pero magiiwan ito ng peklatna dadalhin habang buhay.
May mga masisirang ari-arian, at maglalagay ng trauma sa kanila.
At pagkatapos nito, lahat tayo ay talo.
Author: slickmaster | ©2015 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!