7/5/2015 9:55:00 PM
Photo credit: iweb.ph |
Masyado nga ba tayong mapang-abuso? Masaydo nga ba tayo makasarili—na piling natin ay tama tayo sa ating opinyon sa mga samu’t saring isyu?
O talaga lang nakikita natin ang mga “mali” sa ating lipunan?
Sa nakalipas na mga taon, naging isa sa mga primero at premyadong tagapagkunan ng balita ang mga sumisikat na post sa mga social networking site. Mapa-kalamidad man hanggang mahahalagang usapin, hanggang sa mga mababaw na isyu, at hanggang sa mga simpleng kaganpan sa kalye, mayroon at mayroon palaging mga ‘viral’ post na nagiging parte na ng ating sirkulasyon ng mga pambalitaan, lalo na sa adbentop ng ‘tabloidization.’
Ilan sa mga balita ay naging tampulan ng mga batikos mula sa mga samu’t saring mga tao na gumagamit ng Facebook, Twitter, o sa kabuuan–ang Internet.
Kaya aniya, uminit na rin ang ulo ng ilan sa mga tila napag-initang mga tao at bagay. Gaya na lamang sa isyu ng pagiging tiwali, ayon kay dating Makati City Mayor Junjun Binay. Kung maalala, si Binay ay sinuspinde mula sa tungkulin bilang alkalde ng naturang lungsod, bagay naman na nagresulta sa serye ng bayolenteng kaganapan sa loob ng ilang araw—kabilang ang batuhan ng upuan.
Pucha, daig niyo pa ang chairs match sa wrestling ah. Eh kung gawin na ring mala-steel cage match ang city hall nito tutal sa Makati Square naman ang naging premyadong venue ng Philippine Wrestling Revolution? (Oo, gawin na nating wrestling capital ng Pilipinas ang lungsod na ‘to!)
Subalit sa isang panayam sa ANC Headstart, mainit ang wika ni Junjun: Bayaran naman ang mga nasa social media eh. “Paid hacks,” ika nga.
Siguro, kung may porsyneto nga ng mga tao roon ang mga tila gumawa ng account sa Facebook at Twitter para lang gumawa ng mga tinatawag na ‘black op,’ ang madilim na propaganda pulitkal na ang tanging adhikain ay sirain ang reputasyon ng ilang mga baitkang personalidad.
At nag-eexist nga ang ganyan. Bakit kamo? Hindi lang dahil sa bad trip sila, kundi dahil sa ilan nga naman ay literal na binabayaran; parang mga ‘flying voter’ tuwing panahon ng eleksyon.
Kunsabagay, sinasabi na small fraction daw ang social media, at hindi ito representasyon ng karamihan; which is totoo naman. Pero sa panahon ngayon, na marami pang nababadtrip sa pagkabagal ng Internet connection kesa sa pakikpagtalo kung may forever ba o wala, kelangan mong ayusin ang statistika mo.
Ngunit sa kabila man ng pinupunto ng nasuspindeng mayor, isang malaking katarantaduhan ang pag-generalize niya sa social media na ganun. Anong magagawa niya kung maraming mga tao nga naman ang nagpapahayag ng kaniyang pagkadismaya sa kanyang pamumuno, at pati na rin sa kanyang pamilya? Para sa kaalaman mo hijo, epekto iyan ng demokrasya—ang kalayaan ng tao para magsalita.
Bagamat kinokondena ko ang ilang mga siraulo na ginagamit ang kanilang “freedom of speech” sa pamamagitan ng social media para lang manlamang ng kapwa, ulit, ang pag-generalize sa mga tao sa social media ay isang malaking kagaguhan. Ingat-ingat sa panghuhusga, kaya ka lalong nahuhusgahan eh.
Pero gaya ng sinasabi ko rin sa mga post ko sa Fcaebook at Twitter, huwag rin kayo bash nang bash. Oo, kahit ang inyong lingkod ay ayaw din sa pamilyang yan. Pero may magagawa ba ang pagkaayaw mo kung sa katunayan ay sila ay isa sa mga pinakamakapangyarihang tao na nakaupo sa pamahalaan—lokal man o nasyonal—ngayon? Tignan mo na lamang ang nangyari noong 2013 midterm/senatorial elections: masayadong vocal ang marami sa kanilang pagkaayaw kay Nancy Binay. Pero pagkatapos ng araw ng halalan nun, nung gabi na nagbibilangan na mismo, anong nangyari? Hindi lang siya nasa top 12, kundi nasa Top 5 din. Tapos karamihan sa atin na tahasang namabitkos nun, kung hindi nganga, nagrarant kung gaano kamangmang ang mayorya bilang mga botante?
Kala ko ba mga tao sa social media ay ang mga thinking class? Sabagay, kasi nung dumami ang populasyon ng Facebook at Twitter, nagsulputan din ang mga jejemon (na ang karamiohan pa yata ay nagmigrate mula sa dating papalaos na Friensdter) na wala nang inatupag kundi mamabasag-trip ng iilan.
Isa pa: kung magrereklamo kayo sa resulta ng eleksyon, lalo na sa susunod na taon, siguraduhin niyong ginawa niyo ang parte niyo bilang mga mamayan—sa pamamagitan ng pagboto.
Oo, dahil tama ang slogan ng isang media network: kung di ka boboto, WALA KANG KARAPATANG MAGREKLAMO. Oo, tutal bumoboka ka naman sa FB at Twitter mo, might as well gawin mo na rin ang parte mo bilang mamamayan ng lipunang ito.
Oo, para isalba mo naman ang nagmumukhang tanga na bansang ito mula sa kumunoy ng katiwalian, basurang mainstream media, at mga nagmamagaling (at mapaghusga, ika nga ng Kontrabando) na mundo ng social media.
P.S. Bago mo sabihing kayo nagpayaman sa Makati, siguraduhin niyo lang. Hindi nagsisinungaling ang mga nakasaad sa Wikipedia at baka mapahiya lamang kayo.
P.S. Bago mo sabihing kayo nagpayaman sa Makati, siguraduhin niyo lang. Hindi nagsisinungaling ang mga nakasaad sa Wikipedia at baka mapahiya lamang kayo.
Author: slickmaster | ©2015 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment
Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!