Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

26 September 2015

Alaala ni Ondoy

09/20/2012 01:16 AM

kikocoolstories.blogspot.com
(Alaala ni Ondoy was a three-part personal story-themed articles published by SlickMaster at the community blog site Definitely Filipino on September 2012. Hereby attached is the entire post.)

Setyembre 26, 2009, alas–otso ng umaga sa orasan ko, isang maulang Sabado na umaga na naman ang bumungad pagmulat ng aking mata habang dalawang tinig ang nariring ko nun: ang tunog ng radio ko na hip-hop pa ang kantang umeere, at ang boses ng nanay ko. “Anak, papasok ka pa ba ngayon?”

Agad akong bumangon, kumain ng almusal, naligo, nagsuot ng uniporme at naghanda para pumasok sa kaisa-isang subject ko nung araw na iyun. Pero dahil maulan nung araw na iyun, nag-alangan na kong umalis kasi naman nasiraan pa ako ng payong ilang araw bago nun. Sakto lang din at uuwi ang mga magulang ko papuntang Bulacan, kaya nakisabay ako.

Paglabas ng barangay, sa kalsada sa tabi ng Ilog Marikina agad naming napansin ni Nanay na hindi na yata normal ang taas ng tubig sa nasabing daluyan ng tubig. Pareho kaming kinukutuban na may hindi magandang mangyayari sa araw na ito. Kaya nasabi na lang niya sa akin nun na “Anak, ‘wag ka na lang kaya pumasok?” Sagot ko naman, “’Nay, bakit po?”

“Hindi maganda ang araw na ito e.”
“Ha?”

Sumabat si Tatay, “Ano ba kasing gagawin n’yo ngayon?” Sagot ko nama’y, “May klase ako. Hindi ko pa nga natatapos ang assignment ko para sa araw na ito e.”

“Sige, pumasok ka na lang din.”


Bumaba ako sa bungad ng flyover ng Katipunan Avenue at agad tumakbo papunta sa istasyon ng Light Rail Transit Line 2. At yan ay sa kabila ng nagbabadyang lakas ng ulan, pasalamat lang ako na may dala akong jacket nun.

Pagbaba ko nga sa platform ay kaaalis lang ng tren. Malas, maghihintay na naman ako ng panibagong limang minuto para lang makasakay. Delayed pa yata ang sumunod na dumating nun. Asar!

Pagdating sa Legarda station ay nagpatila, kahit tila ayaw tumigil ang buhos ng ulan nun sa oras na alas-9:15 ng umaga. Nakaorder na ko ng ilang swakto donuts sa isang stall sa istasyon na iyun dahil nagutom na naman ako ulit. Hanggang sa mag-aalas nueve y medya na at wala pa ring pagbabago sa panahon. Dito ako nagdesisyon na makisabay sa ibang tao na papasok din tulad ko. Buti na lang marami din ang naka-payong at kapote nun.

Dali-dali akong pumasok sa pamantasan, at tumambay ng saglit sa harapan ng opisina ng kolehiyo namin nang malaman ko na maaga palang na-dismiss ang klase ng section A. Iyun kasi ang unang klase sa asignatura na Radio Production nun na hinahandle ng isa sa mga tinaguriang “Propesor ng Bayan” na si Ricky Rosales. (Tunog pamilyar ba? Oo, kung nakikinig ka ng AM radio). Iyun din ang paboritong major subject ko nung mga panahon na iyun.

Nung nabakante ang class room agad akong pumasok, iniwan ang gamit at tinanggal ang jacket na basang-basa na rin. Alas-9:40 pa pala. Shemay, singkwenta minutos pa pala ‘kong maghihintay.

Hanggang dumating ang 10:30 sa tika ng orasan at iilan lang kaming nasa klase nun. Hindi rin naganap ang dapat sana ay Speech class namin dahil bawat isa sana sa amin noon ay dapat magdedeliver ng isang speech bilang takdang gawain para sa araw na iyun. Unti-unti  nang nagsulputan na papasok sa klase ang mga kararating lang. Ayon sa kanila, hirap daw pumasok ngayon.  Aba, ikaw ba naman ang mastranded ng ilang beses sa baha, at masiraan ng sasakyan e.

Napagdesisyunan pala nung araw na iyun na isuspinde ang klase epektibo alas-dose ng tanghali. Pero wala na rin e. Paglabas ko kasi ng unibersidad ay agad tumumbad sa mata ko ang baha sa kalye ng Enrique Mendiola pati na rin ang hindi mahulugan ng karayom na tao na naistranded na rin sa gitna ng tubig baha. Kasama ko pa pala ang mga kaklase ko na babaeplanopa umuwi ng Bulacan noong araw na iyun. Nagpasya kami na sa kabilang gate kami lalabas at sa daan naming dun nakikita naming na lubog na sa baha ang ilang mga hallway sa paaralan. Yung iba, tumawid gamit ang mga lamesa habang sa kabila, tumatawid din kami sa kabila ng napakadulas na semento nun at may kasama pa kaming mga ipis na lumilikas din. Hanggang sa nakarating na kami sa labasan.  Doonkami nagkaghiwa-hiwalay. Akala ko tapos na ang kalbaryo ko sa paglabas. Hindi pala.

Nagkamali ako, dahil paglingon ko sa aking kanan ay binaha na ang daanan ng mga tao na nag-uugnay mula sa intersection ng Legarda at Mediola papunta sa istasyon ng LRT. Hanggang tuhod ang taas pero ang bilis ng agos ng tubig, taliwas sa direksyon ng mga tao na nagsisiuwian na rin noong mga panahon na iyun.

Alas-dose y medya na. halos sampung minuto na akong nakatayo at tuliro sa kanto ng Mendiola, Recto at Legarda. Iniisip ko nga talaga kung uuwi ba talaga ako, o palilipasin ko muna ang mga kaganapan.

Hanggang sa sinabi ko, “No choice. Sige lusungin na natin ‘to, Nes.” Agad kong tinanggal ang sapatos at medyas ko, sinupot ang cellphone na nasa bulsa, tinanggal ang mga laman ng paatalon ko at inilagay sa aking bag.

Agad na akong nakisabay sa agos ng tao na uuwi na nun. Pero mabagal ang pila nun hanggang sa entrance ng istasyon. Inspection e. Pero mas mainam na rin kesa naman may manamantala pa. Nakasalamuha ko ang isang faculty member ng isang eskwelahan na malapit lang din sa paaralan ko. Ayon sa kanya, late na nagsuspend ang klase kasi paano na raw makakauwi ang mga estudyante e baha na sa kahabaan ng Claro M. Recto Ave. at iba pang mga kalsada. Tama nga naman, wala na nga halos masakyan e.

Nakasalamuha ko din ang isang estudyante na napilitan na lang sumakay ng tren. Taga-San Juan ang ale, (oo, babae siya), at pharmacy ang kurso na tine-take niya. Wala na raw siya masakyan na jeep kaya magte-tren na lang siya. Naisip ko na i-text ang tatay ko nun pero ayun lang, wala na rin akong load at gipit pa ko sa allowance na natira nun. Sa kabutihang palad, inalok ako nung babae na iyun na itext siya. “Kumusta diyan, ‘Tay? Naki-text lang po ako. -Nes.” Nagpasalamat ako pagkatapos, hanggang sa kinalabit niya ako ulit at nagsabi na “’Uy, baka para sa iyo ‘to.” Agad akong tumingin sa mensahe niya: “Wag ka nang umuwi sa bahay. Mataas na ang tubig baha.” Sabi ko naman ay “baha na rin dito sa Sampaloc. Wala akong matutuluyan dito.”

Pagkalagpas sa inspeksyon ay mahaba rin ang pila sa bentahan ng ticket. Ubos na rin ang mga nasa makina at ang tanging pamamaraan na lamang ay yung nasa Passenger Assistance Office booth. Pag dating ko, sabi k okay manong “Santolan po.” Peor ang binigay niya sa akin na tiket ay pang-13 pesos na lang. Sabi na lang niya, yung piso, bayaran mo na lang sa Santolan. Pagdating sa platform area, sakto dumating ang tren. Pero para naman kaing mga sardines nun, hindi lang dahil sa dami ng tao, pero dahil sa karamihan din sa amin ay basang-basa sa ulan, at yung iba pa dun? Tulad ko din, mga nakayapak na.

Nakadaumpalad ko ang isang mama na kapwa pasahero ko din. Ayon sa kanya, lubog na sa tubig baha ang karamihan ng mga lugar ng pinagtatrabahuan niya sa banding Lungsod ng Pasay. At sa biyahe na iyun nasaksihan naming ang mga talaganag nagaganap sa opsital ng UERM. Kung maalala mo, may viral na video ukol sa mga nangyayari dun. Kinilabutan kami. Ang iba nga, napasigaw na lang sa takot.

Sa kalagitnaan ng biyahe, tinawagan ako ng erpat ko at nagsabing huwag na lang ako umuwi, makituloy na lang ako sa lugar ng kabarkada ng pinsan ko. Agad akong pumayag.

Bago nga ako makababa sa Santolan nun ay nasindak ako sa mga nakita ko saMarikinaRiver. Hindi ko sukat akalain na mangyayari pala iyun. Ang lebel ng tubig dun at halos sasampa na sa kahabaan ngMarcos Highway. Ang bilis pa ng agos. Ang rebulto ng Lions Club sa tulay dun ay halos palubog na rin. Ang ilang mga imprastaktura sa kalye ng Major Dizon ay lubog na rin, kabilang ang barangay hall dun.

Ala-una ng hapon. Agad ako lumabas ng istasyon at nagtangaka na tumakbo papunta sa kanto ngMarco Highwayat Major Dizon pero sa lakas ng ulan at nilalamig na rin ako nun ay hindi ko na magawa. Sumilong saglit sa ilalim ng footbridge ng isang mall, at nagulat pa nga ako dahil parang may sumabog na tunog dun. Yun pala ay wala nang kuryente na galing sa Meralco. Kung may gumagana man, generator na lang ito. Hirap nga sumakay ng dyip ang isang estudyante na nakausap ko sa lugar na iyun. “Baha na nga daw sa UST, baka sa dadaanan pa pauwi ng kanyang bahay sa Antipolo, baha na rin,” sabi niya.

Halos isang oras na kong stranded sa ilalim ng foot bridge na iyun. Nagpasya na ko na tumawid sa tulay kahit tila nakakatakot na ang senaryo. Naaaninag ko nga ang isang kugon na inaagos. Agas pumasok sa isip ko, teka, bubong na ng kubo ito ha.Aba, hindi na tama ito ha. Alas-dos ko na narecieve ang mga text sa akin ng mga ate ko na nagsasabing huwag na rin daw muna ako uuwi sa mataas na ang tubig baha at wala na raw ako madadaanan pa papunta sa bahay. Ang lakas lang ng delay ng pagtanggap ng text sa akin nun dahil nung mga panahon na sinend nila sa akin yun ay nasa tunnel ako ng Katipunan Station. Pag dungaw ko sa kalye ng Major Dizon ay may mga tao na nilalangoy pa ang binahang kalsada, makatawid lang. May isa nasugatan pa ng husto, as in malaking hiwa pa sa banding binti niya ang natamong sugat. Tumunog pa nga ang sirena ng bumbero kahit nalubog na ito ng husto. Matagal din umalingawngaw ang ingay ng sasakyan na iyun.

Sa kabilang banda naman ay nasaksihan ko ang maaksyong paglikas ng mga residente sa Barangka. Tulong-tulong ang mga iyun para masagip lang sa kapahamakang dala ng mabilis na agos ng tubig-baha ang mga tao dun. May lubid ila na tinali sa isang haligi ng bahay at sa bakal na railing ng tulaysa Marcos Highway. Nakasakay ang mga sinasagip na residente sa isang palanggana. Lahat ng nilalang ay nililigtas dun, tao man o alagang hayop. Bata, matanda, babae, lalake, straight o homo. Walang sinu-sino. Nasaksihan pa nga yata ng mga ilang tagapag-ulat sa radio ito nun e. Halos wala ring dumadaan na mga pampasaherong sasakyan nun.

Kasama ko nastranded ang ilang mga kalalakihan. Yung iba, niligtas at inakyat sa mataas na lugar ang mga sasakyang pinundar. Ang isa ay dapat pupunta sa bahay ng kanyang kaklase. Naku, ang layo pa pala ng pinanggalingan ni kuya, sa Tondo. Yung isa naman ay pauwi na rin sa bahay niya sa isang subdibisyon sa looban. At yung isa naman ay kabarkada ko na nagtatrabaho sa isang branch ng Blue Magic sa kalapit na mall.

Isang oras na ako nasa parteng lugar na iyun noong nagdesisyon kami na lusungin ang lugar na dapat namin puntahan. Agad naming tinahak ang gate ng isang subdibisyon na daraanan naming apat. Sa kabutihang palad ay pinayagan kaming pumasok. Tinakbo namin ang kahabaan ng pangunahing kalye dun. Nagmamadali sa oras na alas-3:15 ng hapon. Nakalabas kami sa kabilang gate ng subdivision, pero tumumbad naman sa aming harapan ang baha na naguugnay sa lumubog na parte ng Major Santos Dizon St. Pero naglakas na ko ng loob na lusungin ito dahil sa hanggang bawyang na laman ang lalim nito. Pero napakalamig ng tubig. Kung pwede lang uminom e dahil nauuhaw pa rin ako sa kabila ng mga kaganapan. Alas-tres-kwarenta’y singko nagkahiwalay na ang grupo naming papunta sa kanya-kanyang mga destinasyon. Ako, nasa car wash na ako na tinutukoy ng erpat ko sa kanyang pagtawag sa akin kanina. Nakasalubong ko naman dun ang tita ko na napauwi mula sa Project 4.

Agad din naman ako nakilala ng kabarkada ng pinsan ko na may-ari ng nasabing establisyamento. Binigyan nya ako ng mga damit na pamalit ko. Basang-basa na kasi ang uniporme ko nun. Actually, pati nga underwear ko e. Kamalas-malasan ko pa. Ubos na rin ang inorder ko na donut sa Santolan, ubos na rin ang pera ko, at kumakalamnan na naman ang sikumra ko. Ay, naku.

Buti na lang may nakasalamuha ako na isang parlorista. Pinauwi na kasi sila nung napansin nila na hindi na maganda ang panahon noong araw na iyun. Nilibre niya kami ng order na pagkain dun. Nagkataon na naubusan ng baterya ang cellphone niya. Agad kong inalok ang telepono ko na pansamantala niyang gamitin tutal nawalan ng signal ang network na ginagamit ko nun (kaya sa malamang hindi na ako magtataka na walang makakontak sa akin).

In return, inalok niya ako na i-text ang mga taong concerned sa akin, lalo na ang nanay ko na lubos na nag-aalala sa aming dalawa ng bunso kong kapatid. Speaking of which, na-stranded din siya sa eskwelahan. Dapat nga ay susunduin ko din yun kaso dahil sa wala nga halos madaan na kalye e wala rin.

Sila nanay naman, ayun, binaha din pala sa Bulacan, ayon sa text niya sa akin gamit ang pansamantalang numero. Noong naubusan ng load ang ginagamit namin na cellphone number ay agad kami naghanap ng mapapaloadan, sa kabilang barangay at kabilang lungsod. Buti naman ay may nahanap din kami kaya tuloy-tuloy lang ang mga emergency na usapan.

Pahirapan nga lang ang sitwasyon nun pagdating ng gabi. May dumating na amphibian mula sa militar kaya lang hindi rin sila nakalusot papunta sa mga kabahayan nang dahil sa mga nalubog na mga poste at linya ng kuryente dun. May nag-cover din na media kaya lang parang kumuha lang naman sila ng ilang mga video dun. Gising na gising pa rin ang mga tao sa labas ng car wash at nasa kalye ng Major Dizon. Habang ang mga nasa car wash ay tulog, maliban sa iilan sa amin. At lalo na ako na hirap makatulog, sa lamesa man o sa monobloc na upuan.

Dumating ang pinsan ko sa car wash ng hatinggabi na. kahit siya, gulat na gulat sa mga nangyari. Ang mas masaklap pa, wala siyang naisalba na mga bagay sa kanilang inuupahan na bahay dahil walang tao sa kanila nung tumaas ang baha. Pero hirap pa rin ako sa pagtulog.

Well, nakatulog pa rin naman ako. Pero parang mahabang idlip lang din e. Mga isang oras din yun. Mga alas-tres nagising ulit ako e. Humupa na ang baha. Unti-unti na bumababa ang mga nasalanta na residente. Pero ako, pahinga pa rin. Grabe yun ha.

Alas-kwatro y medya na nung tuluyan na akong nagising. At agad na akong nagdesisyon na umuwi ng bahay. Nakayapak pa rin ako, naka-slacks pero sando na lang ang suot. Ang jacket, sapatos at bag ko ay pasan ko pa rin. Sa eksena ng mga oras na iyun ay gising na ang mga tao para sa isang mahabang panahon ng paglilinis ng kani-kanilang mga bahay.Aba, sa kalye na mga dinadaanan ko sa amin ay gang-binti ko ang kapal ng putik. Paglingon ko sa kada gusali ay mala-Atlantis na senaryo. Ang mga bubong ng mga isang palapag lamang na tindahan, wasak. Mga pader na gawa sa kahoy, wasak din. Isipin mo na alng ang isang pinasabog na lugar. Parang ganun na nga ang itsura ng iilan. Yung mga matataas na bahay naman, may nakapatong na mga kahoy na nagsilbing tulay at hagdanan patawid sa kabila at mga kalapit na bahay.

Hanggang sa oras na alas-5:05 na ng umaga, matapos ang 17 oras na paglalakbay, nakarating din ako sa aming bahay na hindi na maipinta ang itsura ng loob nito. Ang mga upuan, lamesa at mga tokador ay nagkawindang-windang ang mga poisiyon. Agad ko nasalubong ang tito at mga ate ko at sila ang nagsalaysay ng mga pangyayari noong araw. biglaan daw ang pagtaas ng baha sa mga oras ng tanghali at hapon. Maliban pa dun, ay aking ikukuwento sa ibang yugto ng akdang ito.


Author: slickmaster | © 2012, 2015 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!