Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

16 September 2016

The Rise of Pinoy Boy

09/15/2016 02:43:05 PM 

Isa lamang ang palakasan sa mga bagay na siguro ay makakapagpahinto na lamang ng mundo nating mga Pilipino. At totoo naman, 'di ba? Mula boksing hanggang basketball. At minsan pa nga sa ibang mga sport gaya ng mixed martial arts, billiards, bowling at football. 

At sa mundo ng combat sports, maaring nagbabato ka na ng mga tanong sa iyong isipan. Hindi naman kasi lahat ng mga sumasali sa MMA at kahit sa professional wrestling ay mga full-blooded na Pinoy. Madalsa may halong ibang lahi, mula kay Batista hanggang kay Brandon Vera hanggang kay Mark Munoz. 

At maari rin na sa sobrang kritiko mo ay mabanggit mo pa na “Puchangina, hindi naman totoo ang wrestling eh. Scripted yan!” 

Scripted? Oo. Pero para sabihin na peke ang wrestling? Sa tingin mo ba, joke time ang haslo buwis-buhay nilang stunt para lang gawin ang mga nais nila – and at the same time, mang-entertain ng mga tao. Sabihin mong peke ang wrestling sa kanila na halos mabagok na, mabalian ng buto, at magkainjury sa kanilang katawan. Pucha, baka mamaya niyan umiyak ka lang sa isang mahina na sapak eh. 

Pero balik tayo sa isyu na 'to. Maaring hindi siya ganap na Filipino sa dugo, pero hindi ka ba hahanga na ang taong ito, na ang pangalan ay TJ Perkins, ay binandera ang Pilipinas sa isang programa ng World Wrestling Entertainment na pinamagatang Crusierweight Classic (CWC)? 


Halos wala nga lang 'tong pinagkaiba sa mga Fil-Shams na naglalaro ng basketball dito sa bansa – amateur man o propesyonal. 

And 32-anyos na si Perkins ay nanalo nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes ng umaga, oras sa Pilipinas) sa naturang torneo. Hindi lang tropeo ang dala, kundi ang championship belt ng WWE Cruiserweight division. Astig, di ba? 

Pero paano nga ba nagsimula ang karera ng taong ito? Nag-train pa lang si Perkins sa mga sport ng boxing, mixed martial arts, at catch wrestling sa edad na 15 noong 1999. Iba't ibang mga promotion na rin ang sinamahan ng Fil-Am na professional wrestler mula Pro Wrestling Guerilla (PWG) hanggang Ring of Honor (ROH) hanggang Total Nonstop Action Wrestling (TNA), mga bagay na sa malamang ang mga tahasang nakakaalam ang ang mga taon na sinusundan ang wrestling kahit walang channel na nagko-cover nito sa Pilipinas. At ang siste, isa sa kanyang 11 mga ring name dito ay “Pinoy boy.” 

Okay, kahit siguro, hap-hap na Pinoy, maari na ring makonsidera. Pinili niyang ipakilala ang nasyonalidad niya eh. Hindi ba nakakatuwa yun? 

Siguro, kahit umuusbong na muli ang eksena ng professional wrestling dito sa bansa sa tulong ng Philippine Wrestling Revolution (PWR) at Manila Wrestling Federation (MWF), tila isang stigma sa mga tipikal na Pinoy ang naturang sport. Kaya hindi na rin kataka-taka kung bakit tila bihira lang ang nakaaalam sa pangalan niya. At hindi na rin ako magtataka kung sakali man na ibalita ito ng mainstream media sa mga sususnod na oras o gabi. 

Dito mo nga lang malalaman kung sino ang tahasang nakasubaybay sa karera ng mamang ito mula simula ng CWC hanggang sa pagkatapos. Well, walang masama kung sasabay, as long as dapat alamin mo rin ang mga bagay na hahangaan mo, at hindi sa kadahilanang sobrang obvious. Kasi para kang humanga sa isang singer dahil sa rason na pogi siya at hindi dahil sa talento niya. Iba yun. 

Basta isa lang masasabi ko: at least, pagkatapos ng pamamayagpag ni Batista, may isang TJ Perkins na nasa wrestling ring at tila tuwang-tuwa sa pagbabander ng Pinoy Pride sa mundo ng sports. 

At yan nga ang Pinoy Pride na dapat ipagmalaki, hindi yung gaya ng mga “yaya ng jowa ni (international celebrity)” o dili naman kaya'y “ex-gelpren ng kapatid ni (international celebrity).” Eh paano kung sabihin ko na ang lola ng kapatid ng pamanagkin ng jowa ko ay isang (nationality).” Tingin mo ba may pakealam ang lahi ng kausap ko ukol rito? Gaya rin yan ng pakialam mo sa pulitika eh – wala.

Author: slickmaster | © 2016 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!