Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

05 October 2016

Salamat at Paalam

10/05/16 05:12:46 PM

Photo credits: extraordinary.org
Salamat, Senadora. Paalam.

Bagamat halata naman sa mga nakaraang pagtatalo ang estado ng iyong kalusugan ay lumaban ka pa rin. Napakabihira lang ng mga ganyang klaseng tao sa mundong ito, lumalaban para sa bayan.

Mahirap magpaalam sa isa sa mga taong maituturing na nagbigay-kulay sa larangan ng pulitika sa bansa, mula sa pag-aalmusal ng mga banta hanggang sa pagtatangka na tatalon mula sa eroplano, hanggang sa emosyonal na pagpapahayag ng pagmamahal sa kanyang anak, hanggang sa pagiging palaban sa impeachment trial.

Sabi nga ng Word Of The Lourd, “Ang boring ng Senado kung wala ka.” Maaring pun intended, pero prangkahan, sino ba ang may balls na magbato ng mga tanong noong nililitis si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona? Walang nakaligtas mula sa mga tagapagtanggol niya mismo hanggang sa prosekusyon.

Masasabing si Miriam na yata ang isa sa mga pulitiko na inikot ang tatlong sangay ng pamahalaan sa tanang-buhay niya. Bagamat may ilang nagsasabing loyalista si MDS, ay isa naman siya sa mga naging kritiko nito. (Oo, kahit siya mismo ay itinalaga ng dating Presidente Ferdinand Marcos bilang pinakabatang tagahukom sa bansa.) Naglingkod bilang judge noong panahon ng Martial Law, si Santiago ay ang kauna-unahang tao na naghatol kontra sa ilan sa mga polisiya noong panahon na yun – ang paghatol ng kamatayan sa mga taong magsasagawa ng ilegal na pagtitipon at ang pagdeklara na maging krimen ito.

Noong 1970, naging special assistant rin sa Secreatry of Department of Justice si Santiago, sa loob ng sampung taon.

Noong 1988 naman ay nagsilbi naman siya sa ehekutibo sa ilalim ng adminsitrasyon ng dating pangulong Corazon Aquino bilang commissioner ng Immigdation at Deportation. Dito ay tila binago ni Santiago ang image ng CID mula sa pinakatiwali sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya, mula sa pag-raid sa mga sindikato hanggang sa pagsupil sa malawakang extortion.

Naging kalihim rin siya ng DAR at piantigil niya rin ang coversion scandal rito. At ultimo ang lupain ng dating pangulo ay hindi nakaalpas mula sa kanyang paghatol. Tama nga naman kasi, saklaw siya ng agrarian reform program.

Tumakbo bilang pangulo sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon, pero nabigo. Lalo na yung nauna na tila nabahiran diumano ng iskandalo sa bilangan.

Sa larangan naman ng lehislatura, si Miriam – bagamat napapadalas ang pag-absent sa mga nakaraang taon, ay ang pinakamasipag na may-akda sa lahat. Siya lang naman ang pinakamaraming nagawa na panukala at batas sa kasaysayan. Siya rin ang pinakamaangas na judge sa impeachment trial nun. Kitam mo, kahit tumaas ang presyon, sige pa rin?

Sa dami nga ng panukala niya, sayang lang hindi ganap na naging batas ang anti-epal bill.

Nahalal na nga siya na maging tagahukom sa International Criminal Court, kaso sa hindi kabutihang palad ay nag-resign siya dahil sa iniindang sakit.

Sayang nga lang, siguro. Kung naging pangulo lamang siya. Pero malamang ang pagpili ng kanyang running mate ay naging dahilan rin kung bakit olats siya pagkatapos ng Mayo 9. Oo, kahit karamihan pa sa mga bumoto sa kanya at ang mga kabataan.

Mga palagiang tanong na lang siguro ng marami 'to: Bakit ang mga taong masisipag at magagaling ay hindi nananalo? At bakit ang mga malulupit na gaya niya ang nauuna pang nawawala sa mundong ibabaw?

Ganun ba talaga pag marami kang alam? Kapag mataas ka sa mga bagay-bagay, matalino? Masusumbatan ka ng abnormal o baliw? Pustahan tayo: yan ang tila stigma ng tipikal na Pinoy pag napapanood siya sa TV. Siguro nga nabago lang noong nagbibitaw ng mga pick-up line eh. Kasi ang cheesy, at ang mga tipikal na Pinoy, mahihilig sa mga ganitong klase ng kababawan.

Kaya ganun na lamang din ang reaksyon ng marami. “The greatest president we never had,” ika nga nila. Eh ganyan din naman ang binitawan niyo kay Ninoy Aquino nun ah, at sa namayapang Juan Flavier.

Buti nga mas may pakialam ang Asya sa kanya eh. Dragon Lady, Platinum Lady, Tiger Lady, Incorruptible, at higit sa lahat, The Iron Lady of Asia ang naging pinakabansag sa kanya.

Ganyan talaga ang buhay. Mabago nga lang sana ang pagtingin ng tao sa mga masisipag talaga na naglilingkod sa bayan ngayon. Baka sa mga sususnod na taon, ganyan na naman ang mabibitawan nating salita. Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas eh.

Maraming salamat, Miriam. At alam namin, babalik ka – gaya ng pagdekalara ni MacArthur sa sarili niya noon.

Photo credits: The Legacy of Miriam Defensor Santiago Facebook page

Author: slickmaster | © 2016 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!