17 September 2018

Alaala ng B-Side

09/17/2018 09:52:37 PM



Isa ang B-Side sa mga lugar na minahal at kinamuhian ko. Well, minahal dahil sa atmosphere ng lugar na 'to. Basta may mga ganap, mala-The Rock ang electricity ng peg nila. Talaga namang tinatao sa halos bawat sulok, at ang wild, pare.  


Yun nga lang, kinamuhian dahil sa dito ka lang yata makaka-experience ng pinaka-filthy na CR sa tanang-buhay mo. Mas masangsang pa ang amoy kesa sa dumpsite ng Payatas o doon sa isang gawi ng Marikina na ginawang tambakan ng lupa noon (na ngayon ay isa nang terminal).

At dahil tumitito na rin ako kung minsan. Tangina, kailangan ko rin naman ng upuan at lamesa habang lumalantak ng barbeque at tumotoma (by the way, napamura ng beer nila dito!).

Pero mas higit na minahal. Parang sa kasalukuyan, hindi makukumpleto ang gig experience mo sa Kalakhang Maynila kung hindi ka pa napapadpad ng B-Side. Ito ang naging tanyag na venue para sa ilang mga sikat at bakitan na gig, lalo na yung Irie Sunday o yung mga sobrang chill na tugtugan para sa isang weekend gaya ng reggae, atbp. Dito rin madalas ginaganap ang mga labanan sa FlipTop Rap Battle League. Gayun din ang ibang mga malalaking album launch at music festival gaya ng Threadfest, mga malalaking shows ng Red Ninja, Balian ng Leeg at kung anu-ano pa. Isipun mo, iba''t ibang genre ng tugtugan ang nagsasama-sama dito sa B-Side.

Tatlong taon na ako na aktibo sa eksenang ito at masasabi ko lang na sobrang dalang lang ako mapadpad ng B-Side o sa kabuoan ay The Collective. Dyan din kasi naging tahanan ng Wingman, Ukulele Philippines saka yung isang naging kilalang bar din na naging alternative sa B-Side mismo, ang Aloha Bar.

Pero maliban sa mga yun, B-Side ang naging matunog na pangalan sa nakalipas na sia't kalahating linggo. Dahil na yan sa diumanong pagsasara na ng naturang bar – at matapos na rin siguro ang mahaba-haba-habang panahon na nagiging running joke ito.

Oo, mukhang seryoso na nga na magaganap ang pagsasara.  Marami-rami rin ang mga makakamiss sa liugar na 'to. Oo, kahit naman ako, no. Dito kaya yung unang beses na nanood ako nang live ng isang buong event ng FlipTop. Pucha, imagine mo na lang na halos siyam na oras akong nakatayo doon ula alas-7:30 ng gabi hanggang alas 3:30 ng madaling-araw. Tangina, pare. Solid! 

Pati na rin yun mga album launch ng gaya nila Autotelic at MilesExperience.  Yun lang yata ang mga pagkakataon na halos nasa libo ang mga dumadalo sa isang tipikal na bar gig. Halos di mahulugan ng karayom ang lugar. Preyadong hangout place para sa mga party sa underground scene.

Matapos ang mahaba-habang taon at samu't saring beses na nagiging running joke, mukhang matutuloy na talaga – at marami na ang hindi tumatawa. Baka nga marami pa dyan ang maiiyak. Sa Setyembre a-29, tuluyan na ngang mamamaalam ang B-Side. Huling gig nila ang gaganapin sa gabing yun. Panigurado dito dadagsa ang mga tao maliban pa sa konsyerto ni Unique sa Kia Theatre. Nagsisilabasan na rin ang kanya-kanyang mga tribute post sa social media, lalo na't hindi makakaila na naging matunog ang B-Side sa walong taon na pamamalagi nito.

Maraming makakamiss sa isang lugar na sa mga susunod na pagkakataon ay magiging ganap na isang condominium sa mga susunod na taon, isang senyales ng lalong umuusbong na Kalakhang Maynila – at ang kasobrahan nito. Let's face it: Dumarami man ang naglalakihang mga condo sa Metro, tila kumokonti naman ang mga parke. Mas dumarami pa nga ang mga mall eh. Usapang overdevelopment na naman ito pag nagkataon. At siyempre, usapang negosyo.

Sabagay, baka naman mas peaceful na ang paligid pag nagkataon nito. Ironic kasi na di masawata ang gulo sa loob ng The Collective samantalang nasa katapat lamang nito ang istasyon ng pulis-Makati.  Sinasabi na rin kasi na magiging more residential na ang naturang area na 'to ng lungsod ng Makati. 

Ows? Di nga? Talaga? 

Parang nawawalan ata tayo ng balanse sa metropolis. As in kailangang-kailangan ng sidewalk, pero wala, pinagpapagastos ata tayo para sumakay ng jeep na ang pagitan ay isa't kalahating kanto (“driving city” daw kasi ang Metro Manila). Kailangan natin ng parke pero mall ang ginagawa, kaya naman ang ilan, bagot; kaya rin ang iba na nagse-skateboard sa mga sidewalk, hindi rin masisisi. Tangina, wala o kinukulang na ang mga lugar para sa kanila eh. Subalit isa na naman itong usapan sa ibang araw.

Anyway, hanggang sa mga alaala na lang siguro. Salamat at paalam, B-Side. Mamimiss ka namin. Maliban nga lang sa napakabango mong CR. 

Author: slickmaster | © 2018 The SlickMaster's Files

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!

Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.