Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

01 June 2024

Isang Dekada ng Modernong Pinoy Wrestling

06/01/2024 02:49:38 AM

Billy Suede in a PWR event (October 2017)

Isang dekada na ang modernong henerasyon ng Filipino wrestling. 

Oo. Sampung taon na ba, o isangdaan at dalawampung (120) buwan, o lagpas limangdaan at dalawampung (520+) linggo. Wag mo nang bilangin yung araw dahil may mga leap year pa at hindi ka mathematician unless ikaw ay si Ivan the Sporty Guy.

Teka, sigurado ka ba? Hindi ba't since 80s ay may Pinoy wrestling na sa atin? Totoo yan. Kaya nga sinabi kong 'moderno' eh, kasi hindi na ito yung panahon na sila Joe Pogi, Max Buwaya, Smokey Mountain Brothers, Bakal Boys, atbp., ang mga nakikipag-buno sa squared circle. Hindi na rin ito yung panahon na sila Jimmy Fabregas, Johnny Revilla at ultimo Gary Lising ang mga celebrity na involve rin sa mga episode ng palabas na ito sa RJTV noon? Lalong hindi na rin ito yung era na tadtad ng mga sponsor banners yung venue, mapa-parking man ng SM City North EDSA, Tarlac, o sa kung saan man yan.

Oo, kumbaga sa serye, isa at ibang libro na ito, dahil noong 2013 pa nga lang kung tutuusin – nagsimula lang sa isang Facebook na grupo ng wrestling fans – ay nabuo ang mga pangarap na magkaroon ng sariling eksena ng sport na ito sa bansa muli. Lalo na noong sila'y naatasan tumulong magsagawa ng isang event nun sa Ynares Center sa Pasig kung saan tampok ang ECW legend na si Tajiri pati na rin ang then half-Filipina triple crown champion na si Shuri Kondo. 

At sa malamang na sa grupong ay umusbong ang bagong komunidad mga personalidad sa edisyon na ito ng Pinoy wrestling; bagamat nagpakita rin ng interes ang mga ibang tao sa labas ng grupo na yan at mula sa kung saan-saang panig ng bansa. Kalaunan ay naging sanga-sanga na rin dahil mula sa iisang promotion na Philippine Wrestling Revolution ay naging dalawa ang kumpanya na nagtataguyod ng mga wrestling show sa bansa (maaring sabihin ko na sa Maynila lamang, pero nagawa na ng PWR na magtanghal sa piling probinsya din) sa Manila Wrestling Federation. At sa mga nagdaang taon ay nagkaroon ulit ng iba pang promotion gaya ng defunct na rin na Art Of War Wrestling at ang mga umaandar sa kasalukuyan na Filipino Pro Wrestling at ang World Underground Wrestling – Philippines.

Isang dekada na ang Modernong Pinoy Wrestling. Siguro may magtatanong dyan ng “Eh ano ngayon?” (kahit hindi ko siya idinugtong sa pamagat ng akdang ito). To which in a very SlickMaster fashion, sige, sagutin natin. So, ano naman ngayon kung sampung taon na ang 'wrestling' sa bansa? Nagkaroon lang naman ng matindi at mainit na recognition 'to mula sa parte ng publiko na tahasang nanunood ng mga gaya ng TNA Imapct, New Japan Pro Wrestling at lalo na ng WWE. Siyempre, may local o homegrown tayo na pro wrestler e. Lalo na't consistent din pareho ng MWF at PWR – lalo na noong pre-pandemic – na halos kada buwan ay nagtatanghal sila, partikular sa pinakahomebase nila noon ng ilang taon, ang Makati Cinema Square.

Bombay Suarez vs. Jake de Leon in PWR Wrevolution X in May 2015

Una kong napanood ang PWR noong Disyembre 2014 sa MCS. Sa halagang 250 per ticket? Aba, full house kaya sila on a Saturday night. Lalo na noong mga sumunod na wrestling show nila. Nagiging sauna kaya yung sports area ng MCS nun, at umaabot sa second floor pa yung ibang tao na nais makanood nun. Umarangkada ang PWR kahit na sa ibang mga venue na sila nagtatanghal sa paglipas ng mga taon.

Sa Makati Square din nagsimula ang MWF, pero nung nag-relaunch sila ay nasa UP Bahay Ng Alumni sila. At doon ko sila mas nasubaybayan noon. Rapid pace din ang pag-usbong nila. Bagamat may kanya-kanyang bentahe kung tutuusin ang dalawang promotion na 'to. 

Kung opinyon ko ang tatanungin, lamang ang PWR pagdating sa aktuwal na wrestling noon lalo na sa lakas ng roster nila kung hambingan ang usapan. I mean, sila yung mas nakaka-compete sa ibang bansa nun, gaya nila JDL, Chris Panzer, at Crystal. Sila din ang madalas na nakakabook ng mga international na wrestler din gaya ni Blackzilla (si Chilly Willy to, para sa mga masyadong curious), Billy Suede, Robbie Eagles, Emman The Kid at ang pinakamatunog sa kanila noon, si TJ Perkins na minsan nang naging cruiserweight champion sa WWE. Consistent din sila sa partikular na storline moves gaya ng nagkabangaan lang sa CR at instant match-making moment na yun, gayun din ang free match na dinedeliver nila at okay din ang production style sa content sa pamamhala ni Ouel Babasa na minsan ay nagiging senior referee. Kumbaga, nag-bank sila sa pagiging pioneer promotion.

Pero kasi, hindi mo rin pwedeng isantabi ang kakayahan ng MWF. Kung tutuusin, sa tulong ng theater background ng mga executive producer nito na sila William Elvin Manzano at Tarek El Tayech, mas nahulma nila ang MWF bilang produkto at ang matagalang consistent effort nila ay nagkaroon ng magandang pay-off din. Mas reachable sa masa ang MWF dahil sa mga vignette nito at yung pagkakasulat ng mga storyline na may variety talaga. Not to mention, kahit may #NeverMissAShow campaign ang PWR, nakipagsabayan ang MWF sa pamamagitan ng mall shows nila at eventually ang pagtaguyod ng Aksyonovela TV na naging parte na ring RJ's Rock of Manila TV nitong 2023. Hell, may biggest guest din sila sa katauhan ni Tajiri.

So, kung isa ay mas lamang sa siyensa ng wrestling (PWR), yung isa naman ay lamang sa sining ng wrestling (MWF).

MWF Road To Fate at UP Bahay Ng Alumni in September 2018

Pero siyempre, hindi naman lahat ng mga nasa modernong Pinoy wrestling ay nakakahon sa either PWR or MWF, kasi meron ding Art Of War Wrestling (bagamat short-lived lang ito) at kalaunan ay nagkaroon ng World Underground Wrestling o WUW-PH na para naman sa mga mas mala-undergound at mas hard-hitting na aksyon.

Sa loob ng isang dekada, hindi makakaila na narating na ng komunidad na ito – sa malaking partikular na tulong na rin ng parehong MWF at PWR – ang mainstream consciousness. At hindi biro yun, considering na pareho silang start-ups bilang mga kanya-kanyang organisasyon, ang struggle na rin para magpalakad nito mula sa mga training, office politics, at ultimo sa pagmarket ng mga event nila. Not to mention, ang mala-stigma na persepsyon pa ng publiko sa pamamagaitan ng social media tungkol sa mga bagay gaya ng wrestling. Kahit hindi siya taboo, alam mo naman kung gaano kamangmang o ignorante pero arogante ang ilang lupon ng mga Pinoy pagdating sa tila iskripted na laro. 

Ang tanong, pagkalipas ng dekada? Saan na papunta ang eksena ng Pinoy Wrestling mula dito, lalo na't nag-shut down ang MWF? Sa totoo lang, hindi ko siya tahasang masasagot na may kalakip na mga detalye. Sa ngayon, marami sigurong haka-haka kaming mga nag-oobserba at sumusubaybay. 

Maraming mga tanong gaya ng: Saan na pupunta si Mr. Philippine Wrestling at sino ang makakalaban niya sa wrestling ring matapos makipagtuos sa mga bigatin na international wrestler gaya ni Zack Sabre Jr.? Makakapgtrain din ba sa Japan sila Jomar at Fabio Makisig? Mas kaya ba ni Mike Madrigal ibandera ang FPW lalo na't sila ang by de facto ang matunog na pangalan sa eksenang ito? Mas kaya na ba ng WUW na magtanghal ng mga palatuntunan nila matapos ang medyo tahimik na dalawang taon? Makikita kaya natin muli ang isa sa mga Pinay na pambato natin sa pro wrestling na si Crystal, dito man o sa ibang bansa? At marami pang iba siguro na katanungan.

Mas paniguradong hula siguro na mas matinding hamon ito para sa mga natitirang mga promotion kung gaano nila masusustain ang mga naiwan ng parehong PWR at MWF, which is realistically ay kayang-kaya naman. May WUW pa naman, FPW, at ultimo ang Dexcon. Pero siyempre, given na ng historya ng mga internal issue at kontrobersyal na mga galawan na nasaksihan namin sa loob ng mga taon na ito mula sekswal na harassment hanggang sa toxic culture at ang tahasang pangbubully sa loob man ng kumpanya o sa parinigan sa social media, mas mainam siguro na abangan na lamang ang mga susunod na kabanata kesa magpukol ng kung anu-anong opinyon. 'Wag na tayo magaya sa mga ungas na nagpapanggap na digital creator at kunwaring banal sa comment section ng Facebook. 


Sa ngayon, magbunyi muna, kasi hindi biro na malagpasan ang mga pagsubok ng komunidad na ito gaya ng pagpuno ng mga show nila sa MCS, UP, Power Mac Center Spotlight, iAcademy at sa kung saang lugar pa; ganon din ang mala-ebolusyon ng mga wrestler mismo – ke sa pisikal man yan o sa pagportray ng mga character nila; at ang kakayahan nila – at ng mga promotion mismo – na magbigay ng isang dekalibreng palabas para sa lupon ng mga tagahanga nila. 

Besides, marami akong alaala na nasaksihan sa loob ng sampung taon sa eksenang ito, mula sa 30-minute na draw sa laban nila ZSJ at JDL, ang pagiging kampeon ni Fabio Makisig (finally sa MWF noong 2022), ang kwelang friendship storylines mula sa parehong PWR at MWF, ang partnership rivalry nila mismo noong late 2018, ang mga sauna nights sa Makati Square noong 2015, ang 'Bastusan Na!' singles run ni Migs Rosales, ang pagbangon ni Main Maxx (mula sa mga taong nagcha-chant ng Medium Show sa kanya noon), ang mga makapigil hiningang aerial maneuver nila Robin Sane at Zera, yung flaming chop ni Bombay Suarez, ang pag-breakaway ni Quatro mula sa  Council of Trabajadores, yung talon ni Mayhem Brannigan mula sa second floor ng MCS. Masaydong mahaba ang listahan kung iisa-isahin ko sila dito at magpa-prangka tayo dito: nagbabasa ba talaga kayong mga tipikal na Pinoy na nilamon ng social media, to begin with?

Sa tingin ko, hindi matatapos ang paglalakbay na ito para sa mga naulilang wrestler ng MWF. Kumbaga sa libro, isang chapter lang ang natapos. Panigurado na may mga susunod dyan. Hindi nga lang natin alam kung kailan at saan.

Minsan na ko nagkaroon ng (dating) kakilala sa eksenang ito, at ang sabi niya minsan sa akin nung inintebyu ko siya ay “The only way to go (for Pinoy wrestling) is up” at hindi pa rin malayo na sa mga susunod na panahon ay mas malayo pa ang mararating ng Pinoy wrestling na ito.

At kahit hindi ko na tropa o kakilala yun, maaring tama siya sa winika niya at maniniwala ako doon.

Author: slickmaster | © 2024 The SlickMaster's Files

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!