09/20/2012 01:16 AM
(Alaala ni Ondoy was a three-part personal story-themed articles published by SlickMaster at the community blog site Definitely Filipino on September 2012. Hereby attached is the entire post.)
Setyembre 26, 2009, alas–otso ng umaga sa orasan ko, isang maulang Sabado na umaga na naman ang bumungad pagmulat ng aking mata habang dalawang tinig ang nariring ko nun: ang tunog ng radio ko na hip-hop pa ang kantang umeere, at ang boses ng nanay ko. “Anak, papasok ka pa ba ngayon?”
Agad akong bumangon, kumain ng almusal, naligo, nagsuot ng uniporme at naghanda para pumasok sa kaisa-isang subject ko nung araw na iyun. Pero dahil maulan nung araw na iyun, nag-alangan na kong umalis kasi naman nasiraan pa ako ng payong ilang araw bago nun. Sakto lang din at uuwi ang mga magulang ko papuntang Bulacan, kaya nakisabay ako.
Paglabas ng barangay, sa kalsada sa tabi ng Ilog Marikina agad naming napansin ni Nanay na hindi na yata normal ang taas ng tubig sa nasabing daluyan ng tubig. Pareho kaming kinukutuban na may hindi magandang mangyayari sa araw na ito. Kaya nasabi na lang niya sa akin nun na “Anak, ‘wag ka na lang kaya pumasok?” Sagot ko naman, “’Nay, bakit po?”
“Hindi maganda ang araw na ito e.”
“Ha?”
Sumabat si Tatay, “Ano ba kasing gagawin n’yo ngayon?” Sagot ko nama’y, “May klase ako. Hindi ko pa nga natatapos ang assignment ko para sa araw na ito e.”
“Sige, pumasok ka na lang din.”