12:14 PM | 03/12/2013
Ang akdang ito ay iniaalay ng awtor sa kanyang lola na
namayapa eksaktong sampung taon na ang nakalilipas mula nang isinulat ito ng
may-akda.
Dear Inang…
Kumusta ka na? Pati na rin ang mga auntie at uncle ko po
‘dyan? Matagal na rin pala nang huli kitang nakita. Humihingi ako ng paumnahin
dahil sa minsan na lang din kasi ako makadalaw sa iyon dala ng aking pagiging
abala sa pag-aaral at paghahanap ng trabaho nun.
Ako po? Ito, sinusulat ang liham na ito bilang pag-alala ko
po sa inyo. Kung tutuusin, marami na pong nagbago sa panahon na ito.
Napinturahan na ulit ang bahay, nagkaroon ng sasakyan, may mga bagong tao na
rin ating tirahan, nagkaroon ng mga alagang aso, at iba pa. At kahit may
pinagdadaang aberya at problema, nagagawa pa rin naming tumawa at ngumiti.
Sila nanay at tatay naman ay kayod-kalabaw pa rin sa
pagtatrabaho, pati na rin sila ate sa kani-kanilang mga larangan. Ang bunsong
kapatid naman namin e magtatapos na rin po ng pag-aaral sa elementarya.
Bilis ng panahon no? Parang kelan lang… naalagaan n’yo pa po
ako. Pinapaliguan, binibihisan (naalala ko pa nga ang mga salita mong “palitan
na natin ang baro mo, apo.”). Nagagawa pa nating lumabas papunta kila Aling
Julie at kumain ng Mami, uminom ng 7UP (at hindi ko na po siya iniispell) sa
tindahan nila Daddy Boyet, at manood ng TV. Kayo po ang madalas kong kasama
buong araw nun.
Nakakamiss lang. Namimiss na po kita.