Minsan ko
napakinggan ito habang namamalengke sa Cruz na Daan sa bayan ng San Rafael,
lalawigan ng Bulacan. “Masakit tanggapin ang katotohanan: Kung wala kang pera,
wala ka ring kaibigan.” Chorus ng kantang “Kanto” ng Siakol, isa sa mga banda
na gumawa ng marka sa rock music noong dekada ‘90.
Sa totoo lang,
matinding patama ang nasabing linya. Sa panahon kasi ngayon, halos kahit sino
ay nagkukumahog na makadiskarte para lang magkaroon ng salapi. At ang ilan,
dumarating sa punto na manlalamang sa kapwa.
Ito kasi
ang hirap e. Parang wala kang kapangyarihan kung wala kang pera. Hindi ka
kilala ng mga kaibigan mo kapag wala kang pera. Buti sana kung may mga ilan
dyan na galante na kaya kang sustentuhan sa kada pagkakataon na magkasama kayo,
mula sa paggawa ng thesis hanggang sa gimik at inuman (Pasalamat na lang ako at
nagkaroon ako ng mga ganun). Parang hindi ka ganap na tao, lalo na sa panahon
ngayon na ang suweldo ay bihira lang tumaas pero ang presyo ng mga bilihin ay
kadalasang tumataas. Hindi masarap ang buhay kung wala kang datong. Kung wala
ka nito, mas kawawa ka pa yata sa pulubi.