Tila hindi na sila mawawala sa sistema. Kumbaga sa sakit,
pang-terminal na ito. Parte na kasi ito ng pang-araw-araw na buhay ng ilan. Hindi
na bago ang mga pangyayari dahil noon man o ngayon, nariyan pa rin ang mga
taong ito. Sa ngalan ng material na yaman, manlalamang sila, at minsan pa nga e
handang makipagpatayan makuha lang ang mga bagay na tutugon sa kanilang mga
halang na sikmura, isipang kinakalawang at pusong mas matigas pa sa pader na
gawa sa pinaghalong semento at bakal.
Sa kada pagkakataon ng pakikipagsaparalan ko sa lungsod,
nakikita ko ang mga ito. Akala mo mga patpating tambay, yun pala ay magnanakaw
ng pitaka. Sa kalye man o sa mala-Sardinas na pampasaherong sasakyan, umaatake
sila nang hindi mo nalalaman. At ika nga ng kasabihan, “malalaman mo lang ang
halaga ang isang bagay kapag wala na ito…” sa tabi mo. As in literal.
At sa gabi naman, ang akala mong simpleng madilim na
espasyo, may kahiwagaang nagaganap. Dalawang bagay lang, may naglalampungang
mga puta o may tumitimbreng kawatan. Mga nag-aantay na may mabiktima. Kapag
pumalag, patay na kung patay. Parang hindi man lang naisip ng mga ito kung
gaano kahirap ang bumuhay ng isang tao tapos kikitilan na lang sa isang iglap
gamit ang makalawang na lanseta o ng tinggang may pulbura.
Sa kabilang dako naman, malulutong na murahan ang eksena.
May kamuntikan na magbanggaan kasi na mga sasakyan sa isang interseksyon doon.
Hindi pa nakuntento, nagmaanagas pa ang parehong kanto sa gitna ng kalye. Ay,
kasarap sagasaaan ang mga bwakananginang mga ‘to. Pwede bang magsitabi kayo? Hindi
lang kayo ang hari ng kalsada, alam nyo po.
Sa simpleng pagpila nga lang e pakapalan na ng mukha,
makasingit lang. Kapag sinita mo, wala! Babaligtarin ka pa. Ikaw pa ang
maeechepwera. Mas makapal pa sa isang ream ng papel ang mga pangit na
pagmumukha nila.
Yung mga taong gumagawa ng tama sa lipunan ngayon, ewan ko
kung bakit pa sila pa ang mas naagrabyado? Kung bakit sila pa ang mas hindi
nagagantimpalaan? Ang simpleng pamamaraan yata na magsabi nga lang ng
katotohanan e pinapatay na, kung hindi man e hinaharass. At ang mga tumatanggap
ng lagay dyan e sila pa ang mas nangingibabaw. Sabagay, pera-perahan e. Samahan
mo pa ng palakasan sa tao. Ang magandang budhi sa panloob at panlabas na anyo?
Asus, asa.
Kaya minsan, hindi ko masisisi ang mga taong pumili na
tumahimik na lang at maging pipi’t bulag na saksi sa mga kaganapan. Mga lumugar
sa “walang pakialam,” kahit ang ilan sa kanila ay ilang beses na binabastos, sa
likuran man o harap-harapang ginagawa.
Ang buhay kasi ng isang tao ngayon ay nakadepende na sa
diskarte nito. Kapag wala siya nito, ano na lang ang kakainin niya pagdating na
lang ng dapit-hapon?
Author: slickmaster | Date: 09/27/2012 | Time: 10:23 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions