08/10/2012 | 3:41 PM
At hindi ito usapin ng bagyo, ha?
O typhoon, tropical storm, tropical depression o kahit ultimo ang low pressure
area. Ang nangyaring kalamidad sa Kalakhang Maynila at sa iba pang mga kalapit
na lalawigan? Dala lang ng tinatawag na “hanging habagat.” Iyan ay ayon sa mga
ulat-panahon. Southwest monsoon, o yung mga hangin na galing pa ng timog
kanluran. Literal. Yung may dala ng mabibigat na ulap na papawirin na may
dalang pagkulog at pagkidlat (tama ba?). Kadalasan ito tumatama sa ating bansa,
mula kalagitnaan ng Mayo hanggang Oktubre kada taon. At sa panahon na din ito
madalas tumatama ang bagyo sa ating bansa na isa sa mga tropical na lugar sa
buong mundo.
Sa panahon na isinusulat ko ito,
49 na katao (26 sa National Captial Region) na ang kintil ng Habagat na iyan,
isama mo na ang bilyong pisong danyos sa mga ari-ariang imprasraktura sa 80
lungsod at munisipalidad na apektado nito, agrikultura at iba pa, basurang
naglipana sa nga lugar na binaha at 2 milyong kataong apektado ng sama ng
panahon. At sa malamang, ang karamihan sa mga ito ay nawalan ng tirahan, nasiraan
ng mga gamit sa loob ng bahay, may-ari ng tumaob na ilang mga sasakyan, nastranded
sa biyahe, nalugi ang negosyo, hindi nakapasok sa klase’t trabaho, at iba pang
mga bagay na may kaugnayan sa mga pangyayari noong Agosto a-7, taong 2012 isama
mo na dyan ang humigit-kumulang 580 libong katao na naging pansamantalang
tirahan ang mga evacuation centers. Ayon iyan sa huling ulat ni Kim Patria sa
Yahoo! News.
Sa sobrang kasalimuotan na dala
ng hanging habagat dito sa nakaraan na mga araw, suspendido ang mga klase sa
lahat ng antas at pati na rin sa mga opisina ng pamahalaan at ilang mga
kumpanya (depende sa diskresyon nila) noong araw na iyun sa NCR, at mga
lalawigan ng Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna.
Idineklara iyan sa bisa ng Presidential Proclamation #33 madaling araw ng
Agosto 7, 2012. buti na lang, nag-abiso kagad ang Malakanyang. Yun nga lang,
isang linggong walang pasok ang mga estudyante nito, parang noong Ondoy lang.
And not to mention, ilang Lunes na kaya na walang pasok ang mga bata sa nagdaang
mga linggo, ‘no?
Makalipas ang ilang mga araw, idineklarang State
of Calamity ang mga lugar sa NCR at ang mga apektadong lalawigan sa Luzon .
May mga naglabasan pa na
spekulasyon. Coincidence nga ba ito sa berso ng Genesis 8:7-12? Ang nasabi kasi
sa mga berso na yan sa bibliya ay ilan sa mga linya ukol sa arko ni Noah. At
dahil nangyari ang nasabing delubyo sa Luzon 1
araw matapos ang nakatakda sanang delibersayon ukol sa RH Bill, bagay na
tahasang tinututulan ng mga grupo ng Simbahang Katolika dito sa Pilipinas. Naku
naman, wag nyo nang lagyan ng kulay ang petsa at ang mga pangyayari. Ika nga ni
Fr. Melvin Castro, executive
secretary of the Episcopal Commission on Family and Life of the Catholic
Bishops’ Conference of the Philippines, hindi dapat mag-jump sa conclusion ang
mga Pinoy. Ayan ha, respeto naman sa taas, oh.
Pero sigurado sertipikado, sapaw
na naman ang isyu ng RH bill na iyan pati na rin ang pagpili sa susunod na uupo
sa napatalsik na Chief Justice Renato Corona niyan.
Sa bigat ng debastasyong dala ni
Habagat, halos kasingdami na o lagpas pa nga yata diumano ng ulang naibuhos
nito ang nagawa ng Bagyong Ondoy nooong Setyembre 25-26, 2009. Aba , ilang araw din kaya ang walang tigil na
pagbuhos ng ulan noon. Grabe lang.
Kaya nga naitala na naman ang isa
sa mga pinakamataas na antas ng tubig na umapaw sa Ilog ng Marikina ng mga sumuod na araw. Pangalawa
lang ang naitalang 21.5 meters noong mga nakaraang araw kung ikukumpara sa
lebel ni Ondoy noon na umabot sa mahigit 23 metro. At ang basehan naman nun?
Maliban sa mga naka-display na marka sa mga tulay ng ilog ay ang leeg ng statwa
ni Marikit sa Marikina
River Park ,
Sta. Elena ng nasabing lungsod. Pero either way, ang tindi ng epektong hatid
nito. Nalubog ang mga kalsada sa tabi ng ilog, pati na rin ang mga kabahayan,
halaman at kahit ang istatwa ng kalabaw sa tabi ng mall dun. Kung sa Marikina
na kinatitirkan ko sa halos buong 22 taon ng buhay ko ay ganun ang inabot, e
pano pa kaya ang ibang mga lungsod at probinsya? Mga salaysay ng mga nabiktima,
litrato’t bidyo ng mga balita lang ang mga tanging saksi sa mga ganyan.
Sa sobrang lakas ni Habagat,
naging instant swimming pool na naman ang underpass sa Quiapo, at isama mo na
dyan ang Lagusnilad. At hindi rin madaanan ang ilang portion ng North Luzon Expressway. Aba ,
ang isa sa mga premyadong highway sa Pilipinas, binabaha ng ganun lang? Ang
kalye ng EspaƱa? Aba ,
lagi naman dyan e. Hindi na ko magtataka.
Ayon sa mga ulat-panahon at
balitang napanood ko sa TV at napakinggan ko rin sa radyo (kung tama nga ang
pagkakaalala ko sa mga yun dahil pahapyaw ako makasagap e dala na rin ng
pagkawala ng kuryente sa aming lugar) ay kaya ganun na lang ang mga nangyayari
sa nakalipas na araw dahil sa mga ilang araw na bumubuhos ang ulan. Nagiging
saturated na daw ang lupa, hindi na makasipsip ng mga tubig na binubuhos pa ng
kalangitan. Ang iba, nagpakawala pa ng tubig ang mga dam. Nasaktuhan pa na
umaapaw ang Laguna de Bay yata. Ayan na naman tayo e. Baka may mag-gigisahan pang
magaganap sa Senado ‘to ha? Dapat nga natuto na tayo mula pa kay Ondoy e.
Isang bagay lang ang sigurado
dito: NAGBABAGO NA TALAGA ANG PANAHON.
Ang mga simpleng buhos ng ulan, hindi mo sukat akalain na grabe pala ang
maidudulot nila sa ating paligid. Huwag sisihin ang PAGASA dahil sa mga hindi
kongkreto ang mga pasintabi nila sa mga bagay-bagay (kaya nga may cellphone,
media at internet naman, ‘di ba?) o ang mga pulitiko’t kumpanyang naghahatid ng
relief goods kung bakit isang pakete lang ng biskwit o isang styro lang na ang
laman ng lugaw ang kanilang dala-dala (aba, kayo pa ang may lakas na magdemand?
Buti nga binigyan pa kayo e. Daig nyo pa ang pulubing humirit sa akin ng “pwede bang barya, kuya? Ayaw ko ng pagkain e.”).
Pambihira naman oh.
Dahil hindi na talaga matantiya
ang panahon, (at teka lang, kelan ba naging predictable ang mga ito anyway?)
isang salita lang ang ating katapat: MAGHANDA.
Sources:
Narito ang ilang mga litrato na kuha ng inyong lingkod mula noong kasagsagan ng Habagat hanggang sa pagkatapos nito.
(This article was published at Definitely Filipino dated August 10, 2012)
Author: slickmaster |© 2012 september twenty-eight
productions.